Naging usap-usapan sa social media ang isang podcast clip na naglalaman ng umano’y mahigpit na panuntunan sa mga programang pinangungunahan ng TV host na si Willie Revillame.
Mabilis itong kumalat online at nagbunsod ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens, kabilang ang mga nagsabing nakaranas umano sila ng kahalintulad na patakaran habang nagtatrabaho sa kanyang mga palabas.
Sa podcast na “Walang Edit Edit” na hino-host ni Leland Lim, ibinahagi ng dating production intern na si Dex Conche ang kaniyang karanasan sa noontime show na "Wowowee," noong nasa ABS-CBN pa si Willie.
Ayon kay Conche, may umiiral umanong patakaran noon na ipinagbabawal sa staff ang tumingin o lumapit sa host.
“Bawal mo siya tingnan. Production intern ako within the studio at that time. Huwag mo siyang lalapitan. Kapag magkakasalisi kayo, umiwas ka ng tingin talaga,” ani Conche sa panayam.
Dagdag pa niya, mahigpit umanong ipinatutupad ang naturang patakaran dahil maaaring mapagalitan o matanggal ang kanilang mga supervisor kung ito ay lalabagin.
Matapos kumalat ang nasabing clip, ilang netizens ang nagkomento at nagbahagi ng umano’y kaparehong karanasan.
May isang netizen na nagsabing umano'y nag-intern din siya sa programang "Wowowin" sa GMA Network at kabilang umano sa mga alituntunin ang pagbabawal na tumingin sa host.
May iba pang nagbahagi na pinapayuhan umano ang mga empleyado na iwasan ang hallway kapag daraan ang host.
Ayon sa isang komento, hindi umano lumabas ng comfort room ang isang intern dahil nasa corridor ang TV host, at may patakaran umanong bawal may ibang tao roon habang siya ay naglalakad.
Samantala, isa pang netizen ang nagsabing nagmamadali umano silang umalis sa hallway upang hindi makasalubong ang host, at maging ang mga guwardiya ay tila kinakabahan din sa ganitong sitwasyon.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag mula kay Revillame kaugnay sa mga kumakalat na alegasyon.