Iraratsada ng Land Transportation Office (LTO) ang platapormang “I-Report Mo Kay LTO Chief”’ upang maisumbong ng mga mamamayan ang mga makikitang pasayaw sa daan.
“Ito po yung patuloy ang LTO sa pagpapalakas ng commitment sa transparency at accountability at citizen engagement. So puwede nilang [mga mamamayan] i-report dito yung kanilang complaints,” saad ni Asec. Markus V. Lacanilao sa ginanap na “Kuwentuhan with LTO Chief” nitong Lunes, Abril 27.
Sa kasalukuyan pa raw, kasama sa natatanggap niyang mga reklamo ay ang kawalan ng dokumento ng mga bagong biling sasakyan.
“Ngayon po, may complaint ng mga bumili ng mga bagong sasakyan na wala pa yung kanilang mga dokumento. Ang sinasabi ng dealer, nasa ahensya raw namin pero kapag vinerify namin, hindi nila pina-process,” saad ni Lacanilao.
Aniya pa, nakapagbigay na ang LTO nga “show-cause order” sa mga dealer na ito, na nagmula sa iba’t ibang parte ng bansa tulad ng Cebu at Metro Manila.
Isa pa sa mga maaaring isumbong sa bagong plataporma ng LTO ay ang panggigipit ng mga empleyado ng ahensya, gayundin ang mga lumalabag sa batas-trapiko, insidente ng road rage at mga aksidente sa kalsada na hindi pa natutugunan.
“Lahat po ‘yan kino-consolidate namin. May binuo na rin po ako na isang opisina, wala pong ginawa ‘yan kung hindi mag-handle ng complaints, from the dealership, road rage. Lahat po ng problema puwede n’yong idulog,” ani Lacanilao.
Sa pamamagitan rin daw nito, mas makikita ng kalihim ang mga ipadadalang reklamo at tiyak na mapapanagot ang mga dapat managot.
Kaya para sa mga nais magpaabot ng kanilang reklamo, maaaring maipaabot ito sa Messenger, sa “I-Report Mo Kay LTO Chief” website, at LTO 24/7 hotline na 1342-586.