Binira ng aktor na si Janus Del Prado ang ilang estudyante ng University of the Philippines (UP) na aniya’y puro yabang, reklamo, at destabilisasyon ang inaatupag.
Kaugnay ito sa nangyaring engkuwentro sa Taboso, Negros Occidental na ikinasawi ng 19 na indbidwal kabilang si Alyssa Alano na estudyante ng naturang pamantasan.
Sa isang Facebook post ni Janus noong Linggo, Abril 26, pinaalala niya sa mga estudyante ng UP kung saan nanggagaling ang perang pampaaral sa mga ito.
“Wag kayo masyado mayabang. Kasi pera ng taumbayan ang nagpapaaral at nagpaaral sa inyo. Through full scholarship man, free tuition law or discounted. Pera pa rin ng mga taxpayers yan,” saad ni Janus.
Dagdag pa niya, “Konting utang na loob naman sa taumbayan lalo na sa mga working class. Kaltas pa rin sa sweldo nila ‘yan.”
Ayon sa aktor, ramdam umano niya ang kayabangan ng ibang iskolar ng bayan sa comment section na nagsasabing bobo siya at bitter dahil hindi nakapasa sa University of the Philippines College Admission Test (UPCAT).
“Yes, unfortunately I didn’t even have the chance to take the UPCAT because i’ve been working since I was 5 years old,” ani Janus.
Kaya hinikayat na lang niya ang mga iskolar na mag-ambag na lang umano sa lipunan sa halip na pairalin ang kayabangan at pagiging mareklamo sa gobyerno.