“Mahiya naman kayo.”
Nakatakdang hainan ng kaso ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang dalawang Sangguniang Kabataan (SK) chairman sa magkaibang barangay sa Makati na napag-alaman nilang sangkot umano sa korapsyon.
Ayon sa isinagawang press conference ni DILG Sec. Jonvic Remulla nitong Lunes, Abril 27, 2026, sinabi niyang sina Barangay Dasmariñas Village SK chairman Natalia Georgiannia Tupaz at Barangay Magallanes Village SK chairman Cecilia Louise Yabut ang nakatakda nilang hainan ng mga reklamo.
Paliwanag ni Remulla, humingi raw noong Oktubre 9, 2025 si Tupaz ng 20% na Standard Operating Procedure (SOP) o kickback para sa kanilang Halloween party.
Oktubre 16, 2025, hiningan umano si Tupaz ng resolution kaugnay sa disparency ng fund transfer para sa kaniyang hininging SOP ngunit ang kapatid daw ng kaniyang sekretarya ang pinapirma sa dokumento.
Nagawa pa raw pabulaanan ni Tupaz ang mga alegasyon laban sa kaniya ngunit nakita ng Sangguniang Panlungsod ng Makati, matapos ang isinagawa nilang pagdinig noon, na liable umano si Tupaz sa dalawang instances of misconduct at naparusahan siyang suspendihin sa loob ng anim na buwan.
Mayo 8, 2026, nang mawala sa puwesto si Tupaz.
Dahil dito, nakatakdang maghain ng mga kasong Direct Bribery, paglabag sa Republic Act No. 3019, at Falsification of Public Documents ang DILG laban kay Tupaz sa Office of the Ombudsman.
Sa kaso naman ni Yabut, sinabi ni Remulla na nag-apela rin umano ang naturang SK chairman ng pondo para sa kanilang isasagawang Halloween party noong Oktubre 2025.
Dahil dito, naatasan si Yabut noong Oktubre 10, 2025, na maghanda ng kahilingan para sa kanilang mga bibilhin at SK resolusyon sa isusulong nila noong programa.
Sa kanilang pagpupulong, inilahad ni Yabut na nasa bansang Canada ang isa nilang SK Kagawad na nagngangalang Ethan Sun.
Ngunit nang sumapit na umano ang Oktubre 14, 2025, nakapagpasa na ng kinakailangang dokumento si Yabut at pirmado na ito ng kaniyang mga kagawad kasama si Sun.
Inimbestigahan ng umano ng barangay ni Yabut ang pangyayaring ito at napatunayan nilang pineke lamang ng SK chairman ang pirma ng kaniyang mga Kagawad.
Dahil dito, nagsampa ng kaso sa Sangguniang Panlungsod ng Makati ang Pamahalaang Barangay ng Magallanes laban kay Yabut at umamin ang huli na totoo raw na hindi pumirma si Sun.
Nakatakdang maghain ng kasong Falsification of Public Documents ang DILG laban kay Yabut sa Office of the Ombudsman.
Ani Remulla, malinaw daw na pagsasagawa ng korapsyon ang nakita nila sa mga nabanggit na SK chairman at hindi raw nila ito palalampasin.
“Ito ay clear display of corruption at the smallest unit of the DILG. Hindi namin papalampasin ito para maging ehemplo na matuto naman ang SK na bata pa lang ay tumupad na sila sa kanilang katungkulan at huwag nang gamitin ang kanilang katungkulan para magpayaman,” aniya.
“Ang nakakainis dito, mayaman na ang mga ito, gusto pang magpayaman gamit ang pera ng gobyerno sa murang panahon. Gagawin namin ang lahat para ma-forward ito sa Ombudsman,” pagtatapos pa ni Remulla.