May 21, 2026

Home BALITA Probinsya

DENR, nagbabala laban sa ilegal na pagmamay-ari ng wildlife

DENR, nagbabala laban sa ilegal na pagmamay-ari ng wildlife
Photo courtesy: DENR Central Luzon (FB)

Ipinaalala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko ang kaparusahan ng ilegal na pagmamay-ari sa anumang wildlife matapos nilang masagip ang isang batang unggoy sa Barangay Kalawakan, Doña Remedios Trinidad (DRT), Bulacan, kamakailan. 

Batay sa pahayag ng DENR-Central Luzon noong Sabado, Abril 25, isang concerned citizen ang tumulong sa pagsagip sa juvenile Philippine long-tailed macaque. 

Anila pa, boluntaryong ibinigay ng residente sa mga awtoridad ng Municipal Environment and Natural Resources Office ng DRT ang unggoy matapos ang pansamantalang pagkupkop upang matiyak ang kaligtasan nito. 

Matagumpay namang nai-turnover ng opisina sa DENR - Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Baliwag ang unggoy, at kalauna’y na-endorse sa Biodiversity Management Bureau Wildlife Rescue Center sa Quezon City, upang mabigyan ito ng karampatang pag-aalaga, rehabilitasyon, at monitoring. 

Ipinaalala ni Dennis Vergara, na namumuno sa CENRO Baliwag, dahil ang wildlife ay nararapat na nakatira sa kanilang natural habitat para sa kanilang kapakanan, iwasan dapat ng publiko ang paghuli sa mga ito upang gawing alaga.

Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

Kung may mamamataang wildlife, agad ito ipagbigay-alam sa mga awtoridad o DENR upang maproteksyunan ito. 

“Wildlife belongs in its natural habitat, and proper authorities are best equipped to ensure its survival and well-being. We urge the public to refrain from capturing or keeping wildlife as pets. Instead, immediately report such cases to the DENR or authorities so we can respond appropriately and help safeguard our wildlife,” ani Vergara. 

Habang binigyang-pagkilala ni DENR Regional Executive Director Ralph Pablo ang naging aksyon ng residente sa responsable nitong koordinasyon sa mga awtoridad upang maibigay sa kustodiya ng mga awtoridad ang unggoy, ipinaalala rin niya sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9147 o "Wildlife Resources Conservation and Protection Act” ang pagmamay-ari, transportasyon, at pagpatay ng hayop sa wildlife. 

Sa kaugnay na ulat, kabilang sa kaparusahan sa paglabag sa RA 9147 ay ang pagkakakulong ng anim hanggang 12 taon at multang ₱100,000 hanggang ₱1,000,000 kung ang wildlife ay kabilang sa kategoryang “kritikal.” 

Pagkakakulong naman ng mula apat hanggang anim na taon at multang ₱50,000 hanggang ₱500,000 kung “endangered species” ang wildlife. 

Pagkakakulong na dalawa hanggang apat na taon at multang ₱30,000 hanggang ₱300,000 kung kabilang ang wildlife sa “vulnerable species.”

Anim hanggang isang taong pagkakakulong at multang ₱10,000 hanggang ₱100,000 kung ang ilegal na pagkuha ng wildlife ay nagdulot ng panganib sa iba pang wildlife species.