May 22, 2026

Home BALITA National

De Lima, 'di natatakot sa pagkakaso ni Atty. Mans Carpio sa BSP, AMLC, atbp.!

De Lima, 'di natatakot sa pagkakaso ni Atty. Mans Carpio sa BSP, AMLC, atbp.!
Photo courtesy: via MB

Idiniin ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na hindi raw siya nai-intimidate o natakot sa naging pagsasampa ng kaso ng mister ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio laban sa kaniya at iba pa niyang mga kasama sa House Committee on Justice. 

Kaugnay ito ng naging personal na pagpunta ni Carpio Quezon City Prosecutor’s Office nitong Lunes, Abril 27, 2026, upang maghain ng reklamo laban sa ilang mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at apat na miyembro ng house panel. 

Kasama ni De Lima sa mga kinasuhan ni Carpio sina House Committee on Justice Chair Gerville Luistro, Akbayan Partylist Rep. Percival Cendaña, at Rep. Chel Diokno. 

Nahaharap ang mga nabanggit at mga opisyal ng BSP at AMLC sa reklamo ni Caprio na paglabag sa Republic Act No. 9160 o Anti-Money Laundering Act, RA 1405 o Bank Secrecy Law, at RA 10173 o Data Privacy Act.

Ayon naman sa naging pahayag ni De Lima sa isang panayam sa kaniya nito ring Lunes, sinabi niyang hindi raw siya natatakot at naisip pa raw niyang “harassment,” panggugulo, at panlilihis daw sa isyu ng impeachment cases na kinakaharap ni VP Sara ang pagsasampa ni Carpio ng kaso sa kanila. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“I’m not actually intimidated,” pagsisimula niya, “Ang una ngang pumasok sa ulo ko, kasi at least noong hindi ko pa talaga alam ‘yong mga ground, ay harassment na naman ito, panggulo, panlihis ng issue.” 

Ani De Lima, malinaw daw sa kanila na nais lang dagdagan ni Carpio ang mga kasong inihain ng mga ito sa Korte Suprema laban sa kanila. 

“Malinaw po sa amin ‘yan. Malinaw po sa akin ‘yan na panlihis lang ito, pandagdag lang ito sa mga kaso na mga ni-file na nila sa Supreme Court,” aniya. 

Saad pa niya, “Tatlo o apat ba ang naka-file doon sa Supreme Court and then ito naman at criminal case pa. But I don’t feel at all intimidated.” 

Diin ni De Lima, hindi raw sila mapipigilan ng naging aksyon na ito ni Carpio at ipagpapatuloy daw nilang gampanan ang kanilang tungkulin nang naaayon sa Konstitusyon. 

“They cannot stop us from doing our imperative constitutional duties. Tutuloy-tuloy po kami kahit may ganiyan na criminal complaint,” ‘ika niya.

“To me, it is harassment,” pagtatapos pa ni De Lima. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon, reaksyon, o pahayag ang kampo ni Carpio kaugnay rito.