Inanunsyo ng food heritage scholar at advocate na si John Sherwin Felix na ibinasura ng Office of the City Prosecutor of Makati ang cyber libel complaint na inihain laban sa kaniya kaugnay ng mga naging puna sa ilang mga maling detalye at impormasyon sa aklat na "Kayumanggi: A Kaleidoscope of Filipino Flavors and Food Traditions."
Ayon kay Felix, na nasa likod ng "Lokalpedia," isinampa ang reklamo matapos niyang kuwestiyunin ang ilang nilalaman ng nasabing aklat, kabilang ang umano’y maling pagkakaklasipika sa "batwan" bilang legume, paggamit ng mani o peanut butter bilang pinagmumulan ng kulay ng kare-kare, at paglalarawan sa tawilis bilang karaniwang matatagpuan sa mga ilog at lawa sa buong bansa, kahit ito ay kilalang endemic sa Lawa ng Taal.
Ang aklat ay inilunsad noong Abril 2025 kasabay ng Filipino Food Month sa ilalim ng Malikhaing Pinoy Program ng Department of Trade and Industry o DTI.
Sinabi ni Felix na matapos niyang makakuha ng kopya ng aklat noong Setyembre 16, 2025, ibinahagi niya sa kaniyang personal platforms at sa Lokalpedia ang kaniyang pagsusuri, kalakip ang mga sanggunian at panawagang managot ang mga responsable sa mga maling detalyeng nakapaloob dito.
Nagpadala rin umano siya ng mga email sa DTI noong Setyembre 18 at 23, ngunit wala raw natanggap na anumang tugon mula sa kanila.
Noong Pebrero 25, 2026, nakatanggap si Felix ng subpoena kaugnay ng reklamong inihain ng may-akda ng aklat na si Chef Jam Melchor.
Noong Marso 10, naghain siya ng counter affidavit sa tulong ng kaniyang mga abogado, kung saan iginiit niyang ginawa niya ang mga pahayag nang may mabuting layunin, walang malisya, at nakabatay sa pananaliksik.
Sa resolusyong may petsang Abril 15, 2026 at natanggap niya noong Abril 24, sinabi ng piskalya na walang sapat na basehan upang ituloy ang kasong cyber libel laban sa kaniya.
Ipinunto rin umano ng tanggapan na ang mga pahayag ni Felix ay maituturing na patas na komentaryo hinggil sa usaping pampubliko, partikular sa food heritage at paggamit ng pampublikong pondo.
Dagdag pa rito, hindi rin umano napatunayan ng nagreklamo na may malisya sa mga naging pahayag ni Felix. Binigyang-diin sa resolusyon na protektado ng Saligang Batas ang kalayaan sa pamamahayag.
Nagpasalamat si Felix sa Office of the City Prosecutor of Makati, sa kaniyang legal team, at sa mga sumuporta sa kaniya sa gitna ng usapin. Inamin din niyang nagdulot ang kaso ng matinding epekto sa kaniyang mental health, pisikal na kalagayan, at pananalapi.
Binigyang-diin niyang nananatiling hindi pa rin umano nasasagot ang mga isyung kaniyang inilahad sa DTI Malikhaing Pinoy Program, at nanawagan siya sa mga institusyon ng gobyerno na pairalin ang katumpakan, pananagutan, at transparency sa mga proyektong pinopondohan ng publiko.
"To the DTI Malikhaing Pinoy Program, I reiterate that the concerns raised remain unaddressed. Despite repeated attempts to engage, no corrective action or public response has been issued. Public institutions have a responsibility to ensure accuracy, accountability, and transparency, especially in projects supported by public funds," aniya.
Dagdag pa niya, "This outcome is not only a legal victory for me, but also a reaffirmation of the role of researchers, advocates, and citizens in safeguarding our cultural heritage."