Iniulat ng Philippine National Police (PNP) noong Linggo, Abril 26, na aabot sa 290 gasoline stations sa buong bansa ang pansamantalang nakatigil ang operasyon bunsod ng patuloy na nagaganap na krisis sa langis.
Ayon pa sa ulat ng PNP, nakapagtala rin sila ng 31 kasong naisampa at 77 indibidwal na itinuturing na suspek na may kinalaman sa hoarding, profiteering, at ilan pang mga paglabag na may kaugnayan sa produktong petrolyo.
Ipinagdiinan naman ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na patuloy ang kanilang monitoring at pakikipag-ugnayan sa mga ahensya sa gitna ng isyu sa suplay ng langis.
“Ang ating ginagawa ay hindi lang pagbabantay, kundi siguraduhin na walang umaabuso sa sitwasyon. We are acting to protect both consumers and legitimate business operators,” saad ni Nartatez sa isang pahayag.
Pagtitiyak pa ni Nartatez sa publiko, patuloy ang kanilang monitoring upang masiguro ang patas na distribusyon ng langis na nakabase sa mga regulasyon at alituntunin hinggil dito.