Matagumpay na naisagawa ang komplikadong operasyon upang paghiwalayin ang 7-anyos na conjoint twins na sina Maurice Ann at Klea Misa mula sa Lubang, Occidental Mindoro, na dating magkadikit sa ulo.
Isinagawa ang operasyon sa King Abdullah Specialized Children’s Hospital sa Riyadh sa pangunguna ng pediatric neurosurgeon na si Dr. Moutasem Azzubi kasama ang humigit-kumulang 30 medical personnel. Tumagal ang limang yugto ng operasyon nang halos 18.5 oras.
Ang nasabing operasyon ay inorganisa at pinondohan ng Saudi aid agency na KSrelief sa ilalim ng Saudi Conjoined Twins Program, na pinamumunuan ni Dr. Abdullah Al-Rabeeah.
Halos isang taon ding pinaghandaan ng mga espesyalista ang masalimuot na procedure dahil sa kritikal na kondisyon ng kambal, kabilang ang magkadikit na bahagi ng kanilang utak at mga komplikasyon sa puso at bato ni Klea.
Ayon sa ina ng kambal na si Maricel Misa, malaking ginhawa at pasasalamat ang kanilang naramdaman matapos malaman na naging matagumpay ang operasyon.
“Our prayers were answered … Hearing that the surgery was successful, it felt like a miracle. I felt so much relief, happiness and gratitude to the doctors, and everyone who helped our twins,” ani Maricel sa panayam sa media.
Dagdag pa niya, patuloy pang mino-monitor ng mga doktor at nurse ang kalagayan ng kambal habang sila ay nagpapagaling.
“Right now our twins are still recovering, they are being closely monitored by the doctors and nurses to make sure everything continues to go well.”
Ayon sa pamilya, inaasahan nilang lalaking malusog ang kambal at matutupad ang kanilang mga pangarap matapos ang matagumpay na operasyon.
Ang kaso nina Maurice Ann at Klea ay itinuturing na isa sa pinakamahirap sa buong mundo, ayon sa mga doktor. Sila ang ika-70 pares ng conjoined twins na matagumpay na napaghiwalay sa ilalim ng programa, at ikatlong pares mula sa Pilipinas.
Nauna nang napaghiwalay ang iba pang Filipino conjoined twins noong 2004 at 2024 sa parehong programa.
Ang conjoined twins ay isang bihirang kondisyon na tinatayang nangyayari sa isa sa bawat 50,000 hanggang 60,000 kapanganakan.