May 21, 2026

Home BALITA

PUV drivers na nakakubra ng fuel subsidy, higit 1M na—DSWD

PUV drivers na nakakubra ng fuel subsidy, higit 1M na—DSWD
Photo courtesy: MB


Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aabot sa 1,067,976 public utility vehicle (PUV) drivers na ang nakatanggap ng fuel subsidy mula sa pamahalaan.

Kaugnay ito sa mga inisyatibong pinasinayaan ng gobyerno bunsod ng mataas na presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado—na siya namang direktang epekto ng sigalot sa pagitan ng bansang Amerika, Israel, at Iran.

Sa isang press conference na isinagawa ng ahensya sa DSWD New Press Center noong Huwebes, Abril 23, ibinahagi rin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang aniya’y hamon sa pamamahagi ng special payout para sa mga tsuper na bigong makatanggap ng subsidiya.

Ayon kay Sec. Gatchalian, maaari daw kasing magkaroon ng aabot sa humigit-kumulang ₱2.7 billion losses kung sakaling hindi masuri nang maayos ang mga tatanggap ng benepisyaryo.

Upang masiguro na lehitimo ang mga tatanggap ng ayuda, minabuting isagawa raw ng ahensya ang isang mas mahigpit na verification at validation measures—kung saan kailangang iberipika ang “proof of life” ng tsuper.

'We will comply!' SILG Remulla, kikilos na sa pag-aresto kay Sen. Bato



Samantala, tiniyak naman ng kalihim na walang-patid ang koordinasyon ng kanilang ahensya sa iba’t ibang mga opisina gaya ng Transport Network Companies (TNCs), Private Express and Messengerial Delivery Service Sector (PEMEDES), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mapabilis at maging mas maayos ang pamamahagi ng nabanggit na subsidiya.