Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) at pamunuang Light Rail Transit Authority (LRTA) ang pagbibigay nila ng libreng parking para sa kanilang mga pasahero simula sa Lunes, Abril 27.
Ang libreng parking ay bukas sa LRT-2 Santolan Station parking area, bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga drayber at may-ari ng sasakyan na mag-commute muna sa kasagsagan ng kinahaharap na krisis sa langis ng bansa.
“Ang utos sa atin ng Pangulo hikayatin natin ang mga vehicle owners na sumakay ng ating mga tren. Kaya nag-isip tayo ng iba pang mga paraan para makatulong di lamang sa mga commuter kundi maging sa mga may-ari ng sasakyan din na bumabyahe araw-araw,” saad ni DOTr Sec. Giovanni “Banoy” Lopez.
Kaya aniya pa, bukod sa 50% discount sa pamasahe ng mga pasahero ng LRT-2, libre na rin ang parking fee ng mga pasaherong may dalang sasakyan.
“Bukod sa 50 percent na diskwento sa pamasahe kapag sumakay sa LRT-2, libre na rin pati ang parking fee ng mga pasahero na may dalang sasakyan. Malaki ang matitipid kaysa kumonsumo sila ng gasolina o diesel na mataas pa rin ang presyo. Di lang yan, mas mapapabilis pa ang kanilang byahe tungo sa kanilang destinasyon,” ani Lopez.
Dahil dito, ang nasabing complimentary parking ay bukas para sa mga pasahero simula 4:00 AM hanggang 11:30 PM araw-araw, sa first-come, first-served basis.
Upang ma-avail, inaabiso ng LRTA ang mga pasahero na kumuha ng parking stub mula sa kanilang security personnel sa Santolan Station parking area, at ipa-validate ito sa passenger assistance office bago ipresenta sa security personnel.