Ibinahagi ng transport group na PISTON na kahit sila ay makapaghatid daw ng mga pasaherong aabot sa 200 hanggang 300 ang bilang, hindi pa rin umano ito sasapat para mabuhay nila ang kani-kanilang mga pamilya.
Sa isang bukas na liham na ibinahagi ng PISTON nitong Martes, Abril 21, binigyang-diin nilang nauunawaan nila ang hirap na dinaranas ng mga pasahero bunsod ng isyu sa transportasyon at pagtaas ng presyo ng langis.
“Mahal naming mga komyuter, ramdam namin ang hirap ninyo sa mahabang pila at matagal na paghihintay. Dahil sa patuloy na gera na lalong nagpataas sa presyo ng krudo, pakaunti na nang pakaunti ang bumibiyaheng jeep, at nagugutom na ang aming mga pamilya,” saad ng PISTON.
Anila, “Salamat sa walang-sawa ninyong suporta sa aming mga welga. Ngunit dahil puro panapal na solusyon lamang ang tugon ng gobyerno ni Marcos gaya ng usad-pagong na ayuda na ikinamatay pa ng isang rider, napilitan kaming mag-file ng ₱10.00 na provisional fare hike ngayong araw para tiyaking may makakain pa ang aming nga pamilya at patuloy na makakapasada para makapag-serbisyo sa inyo.”
“Batid namin na dagdag-gastos ito sa inyong araw-araw na budget, ngunit itinulak na tayo sa pader ng krisis dulot ng kapabayaan ng gobyerno. Sa pumapalong ₱136.80 kada litro ng diesel, umaabot na sa ₱6,000 ang arawang gastos namin kasama ang ₱1,000 na boundary at maintenance ng mga jeep. Sa kasalukuyang ₱13.00 na pamasahe, kahit pa makapagsakay kami ng 200 hanggang 300 pasahero sa isang buong araw na pamamasada, hindi pa rin sasapat para patuloy na buhayin ang aming mga pamilya. Kadalasan, barya na lang ang naiuuwi namin pagkatapos ng 12 oras na pasada. Kahit pa maging ₱23.00 ang minimum fare, kailangan pa rin naming habaan ang oras ng biyahe para lang hindi malugi,” dagdag pa nila.
Giit pa ng transport group, alam daw nilang hindi permanente ang epekto ng rollback sa produktong petrolyo.
“Alam naming panandalian lamang ang mga rollback dahil nagpapatuloy na kontrolado ng mga dambuhalang kartel ng langis ang industriya ng langis sa bansa,” anang transport group.
“Sama-sama nating ipanawagan ang nakabubuhay na sahod, pagtatanggal ng VAT at excise tax sa langis, pagbabasura ng Oil Deregulation Law, at pagtigil sa mga gerang agresyon na nagpapahirap sa ating lahat,” anila.
“Ang laban ng komyuter ay laban din naming mga tsuper. Patuloy ninyong kaisa sa laban,” pagtatapos ng PISTON.