Ibinahagi ng Filipina transgender journalist na si Yoniel Torayno Acebuche ang umano’y masakit na karanasan matapos siyang hindi papasukin sa Macau International Airport habang naka-duty sana para mag-cover ng isang international awards event.
Sa social media post ni Yoniel, sinabi niyang kabilang siya sa mga mamamahayag na inatasang bumiyahe patungong Macau upang i-cover ang Stevie Awards, isang prestihiyosong business awards event, kasama ang tatlo niyang katrabaho, para sa isang magazine.
Ayon sa Facebook post ni Yoniel, umalis sila ng Maynila noong Abril 16 at dumating sa Macau bandang 9:30 ng gabi. Inakala niyang magiging normal lamang ang proseso ng pagpasok, ngunit nagbago umano ang lahat pagdating sa immigration.
Kuwento niya, pinayagang makapasok ang kaniyang kasamang journalist ngunit pagdating sa kaniya, pinigilan siya at dinala sa isang hiwalay na tanggapan.
Doon umano siya pinag-fill out ng mga form, kabilang ang pagtatanong kung magkano ang dala niyang pera. Sinabi niyang tapat niyang sinagot ang lahat ng tanong.
Aniya, may travel allowance silang natanggap mula sa kompanya ngunit hindi pa niya ito lubos na nawi-withdraw dahil nagastos na sa pre-departure expenses.
May dala rin umano siyang ₱3,700 cash habang malinaw namang nakasaad sa kanilang invitation na sagot ng Stevie Awards ang gastusin sa biyahe.
Sa kabila umano ng kompletong requirements tulad ng bank account proof, return ticket at formal invitation, inilipat pa rin siya sa ibang opisina nang walang malinaw na paliwanag.
Mahigit dalawang oras umano siyang naghintay nang mag-isa bago bigla na lamang sabihang "denied entry."
Dagdag pa niya, pinaghintay siya hanggang kinabukasan para sa return flight pabalik ng Pilipinas, habang sinabi ring ibabalik na lamang ang kaniyang passport pagdating sa Maynila.
Sinubukan umano nilang humingi ng tulong, kabilang ang paglapit sa Philippine Consulate, ngunit sinabi raw sa kanila na sovereign decision ng Macau authorities ang naging pasya.
Dahil dito, hindi naiwasang magtanong ni Yoniel kung bakit siya lamang ang hindi pinapasok.
Aniya, hindi naman sa dokumento, pera, o dahilan ng biyahe ang naging problema kaya’t pakiramdam niya ay maaaring ang pagiging transgender niya ang dahilan.
Binanggit din niyang nakabasa siya ng ilang ulat hinggil sa stigma laban sa transgender travelers, bagay na lalong nagpalungkot sa kaniya.
Nilinaw ni Yoniel na ibinahagi niya ang kaniyang karanasan hindi upang magsimula ng alitan kundi upang ipakita ang realidad na nararanasan ng ilan sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community, pagdating sa pagtungo sa ibang bansa dahil sa kanilang gender identity.
"Kasi I was just there doing my job. Wala akong inaapakang tao. Wala akong ginagawang masama," aniya.
"But somehow, that night, I was treated like I didn’t belong there. Nakakalungkot. Nakaka-frustrate. Nakakaubos ng energy."
"And I’m sharing this not to start anything, but just to be real about what happened because this is the reality for some of us."
"Minsan kahit ready ka, kahit tama ka, kahit wala kang ginawang mali… hindi pa rin enough—just because of who you are," aniya pa.
Napagtanto rin ni Yoniel na sadyang masalimuot pa rin ang mundo at may mga taong hindi pa rin talaga tanggal ang mga "beautiful people."
"Naisip ko na lang na ito yung buhay na pinili ko, ito yung buhay that I choose, so therefore, tatagan ang loob ko... it's just a bubog, ng pagiging trans ko," aniya pa.
"I will rise above the ashes. I will continue to voice out what we need to voice out, I will use this experience of mine to tell everyone, na sana wala nang ibang trans ang makaramdam ng ganito," dagdag pa niya.
Sa huli, ligtas nang nakabalik si Yoniel sa Maynila matapos ang mahigit 24 oras na pananatili sa isolated room sa airport ng Macau.
Si Yoniel ay journalist sa isang magazine.