Nawindang ang mga netizen sa mga kumalat na eksena mula sa "The Silent Noise" na comeback ABS-CBN teleserye ni Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo matapos maispatang may kissing scene ang karakter ni Angge sa batikang aktres na si Mylene Dizon.
Hindi nakapaghanda ang fans at followers ng dalawang aktres, lalo na kay Angelica, na magkakaroon sila ng kissing scene ni Mylene sa nabanggit na serye, na napapanood sa Prime Video.
Sa plot twist ng kuwento, may affair pala ang mga karakter dito nina Angelica (Jackie) at Mylene (Teacher Sam).
Umiikot ang kuwento ngayon sa pag-iimbestiga kung sino ang pumatay sa karakter ni Mylene.
Sey ng mga netizen, mukhang handa nang sumabak sa Girl Love (GL) series si Angge, ngayong nagbabalik na ulit siya sa pag-arte matapos mamahinga panumandali dahil sa panganganak kay Amila Sabine.
Sa kaso naman ni Mylene, gumanap na rin siyang gender fluid sa pelikulang "Call Me Tita" kung saan ang karakter naman ni Ice Seguerra ang nakarelasyon niya rito.