May 22, 2026

Home BALITA Probinsya

Kawatang magpapaputok sana ng baril, todas matapos mabaril sarili

Kawatang magpapaputok sana ng baril, todas matapos mabaril sarili

Patay ang isang hinihinalang holdaper matapos niyang mabaril ang sarili niya sa gitna ng komprontasyon sa mga barangay tanod sa Santa Maria, Bulacan noong Abril 17, 2026.

Ayon sa mga ulat, nagsimula ang insidente nang humingi ng tulong sa mga tanod ang dalawang tao matapos tangkaing holdapin ng suspek at kasama nito sa Sitio Gitna, Barangay Balasing.

Habang kinakausap ng mga tanod ang mga biktima, bigla umanong napadaan ang mga suspek at positibo namang tinukoy ng mga biktima.

Sinubukan silang arestuhin ng mga awtoridad, ngunit bumunot ng baril ang back rider at itinutok ito sa mga rumespondeng tanod.

Sa gitna ng tensyon, isang retiradong pulis na kasalukuyang nagsisilbing deputy tanod ang pumalo sa kamay ng armadong suspek gamit ang baton. 

Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

Bunsod nito, aksidenteng pumutok ang baril at tumama mismo sa suspek, na agad naman naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.

Samantala, mabilis na tumakas ang kasamahan ng nasawing suspek patungo sa bayan ng San Jose del Monte.

Narekober sa pinangyarihan ang isang caliber .45 na baril, dalawang basyong bala, at dalawang pares ng tsinelas na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga suspek.

Naglabas naman ng flash alarm ang pulisya sa Bulacan Tactical Operations Center at mga kalapit na bayan upang matunton ang tumakas na suspek.

Pinuri naman ni PCOL.Jay Baybayan ang katapangan ng mga barangay tanod sa mabilis nilang pag-aksyon na aniya ay nakapigil sa mas malalang krimen.

Ayon pa sa kaniya, patuloy ang manhunt operation laban sa tumakas na suspek at pinaigting ang police visibility sa buong lalawigan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.