Ninakaw ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang motorsiklo ng isang TNVS rider sa Ibarra Street, Barangay Palanan, Makati City bandang noong Abril 17, 2026.
Batay sa kuha ng CCTV, makikitang naglalakad ang dalawang suspek nang mapadaan sa nakaparadang motorsiklo. Ilang sandali pa, agad itong sinakyan ng lalaking suspek habang nag-abang naman sa kanto ang kaniyang kasamang babae.
Ayon sa kaanak ng biktima, sandali lamang umalis ang kaniyang kapatid bago naganap ang insidente.
“So ang nangyari naman po saglit lang po siya pumasok sa loob ng bahay, sakto may dumaan na mag-asawa, so nakuha sa cctv ayun naman po ay saktong naispatan yung motor na may susi at madali pong nakuha kaagad din nila,” anang kaanak ng biktima sa panayam sa media.
Dagdag pa niya, naiwan umano ang susi sa motorsiklo kaya hindi na nahirapan ang mga suspek na tangayin ito.
“So ayun na po naiwan lang saglit yung susi. So, hindi po rin napansin din ng kuya,” dagdag niya.
Mas lalo umanong nakadagdag sa kanilang pangamba ang pagkawala ng motorsiklo dahil hindi pa ito lubusang bayad at ginagamit bilang pangunahing kabuhayan ng biktima para sa pag-aaral ng kaniyang dalawang anak.
“Hanggang madaling araw siya nagbabiyahe. So, talagang pagod at puyat. Siyempre, nakakalamya po talaga yung nangyari. So, masakit din para sa'min yung pagkawala ng motor niya,” saad pa ng kaanak ng biktima.
Napag-alaman ding hindi ito ang unang insidente ng nakawan sa kanilang lugar matapos tangayin din ang kanilang e-trike noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng Makati City Police sa insidente. Ayon sa pulisya, mayroon na silang person of interest na dati nang nasangkot sa kasong carnapping.