Naglabas ng sentimyento si “Ricky,” jeepney driver na kalahok sa segment na “Laro Laro Pick” ng “It’s Showtime,” kaugnay sa kasalukuyang krisis ng Pilipinas sa langis bunsod ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Sa latest episode kasi ng “It’s Showtime” nitong Sabado, Abril 18, ibinahagi ni Ricky ang kasalukuyang kinikita niya bilang tsuper sa gitna ng krisis.
Ayon sa kaniya, umaabot lang umano sa 1,200 ang kinikita niya sa isang biyahe. Ang isanlibo nito ay mapupunta sa gasolina. Hindi pa raw kasama rito ang bayad sa boundary.
Sey tuloy ni Unkabogable Star Vice Ganda, “Mahirap ‘yan, e. Parang nakaranas ka ulit ng pandemic.”
“Pero mas mabuti pa ‘yong pandemic, ma’am. May ayuda. Ngayon napakahirap,” sagot ni Ricky.
Dagdag pa niya, bagama’t binigyan naman umano sila ng limanlibong pisong ayuda kamakailan sa Quezon Memorial Circle, inabot daw hanggang SM Fairview ang pila.
Gayunman, patuloy pa rin daw ang pasada ni Ricky sa kabila ng lahat. Ang ruta ng kaniyang biyahe ay Almar Zabarte-Delta sa Commonwealth.