Usap-usapan ng mga netizen ang naging pasaring na pagkanta ni "Unang Hirit" host at GMA news anchor Susan Enriquez patungkol sa sinasabing nasukol na si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, sa Czech Republic, noong Huwebes, Abril 16.
Sa Facebook post ni Susan noong Biyernes, Abril 17, mapapanood ang pagkanta niya sa saliw ng trending na awiting "Hawak Mo Ang Beat."
"Breaking news Hawak na si Zaldy Co," mababasa sa caption ng video post ni Susan.
Kanta naman niya, sa saliw ng trending song, "Hawak na ang thief, hawak na si Zaldy, sa bawat nakaw niya, siya'y 'di nagi-guilty. Hawak na ang thief, huwag nang bibitawan, hangga't kasabwat ay pangalanan."
Ibinahagi rin ni Susan ang panayam niya kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa Unang Hirit noong Biyernes, Abril 17, tungkol sa pagkakahuli kay Co.
Ayon kay Remulla, nahuli si Co bandang 5:00 ng hapon (oras sa Pilipinas) sa paliparan sa Prague, matapos umanong biyahe na walang dalang valid travel documents.
Nasa kustodiya na raw si Co ng mga awtoridad ng nabanggit na bansa. Nakikipag-ugnayan na raw ang pamahalaan sa kanila para sa deportasyon ni Co.
Matatandaang nasasangkot ang dating solon sa iba't ibang anomalya kagaya ng pagsisiwalat niya sa umano'y insertion sa national budget gayundin ang flood control projects scam.