TRIGGER WARNING: PAGBANGGIT SA SUICIDE
Nagpatiwakal ang isang construction worker, na sinasabing posibleng sampahan ng kaso dahil sa pananakit sa kanyang live-in partner, sa Tanay, Rizal noong Huwebes, Abril 16.
Hindi na pinangalanan ang biktima na 40-anyos lamang at residente ng Barangay Tandang Kutyo, Tanay, Rizal.
Batay sa ulat ng Tanay Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa tahanan ng biktima ngunit madaling araw na nang Biyernes nang ito ay maireport sa pulisya.
Lumilitaw na ilang kapitbahay ng biktima ang nakarinig ng ingay mula sa bahay ng biktima kaya’t inalam kung ano ang nangyari.
Nang silipin umano ng isa sa mga testigo ang loob ng bahay ay nakita ang biktima na nakahandusay na sa sahig at may nakataling nylon cord sa leeg.
Dahil dito, kaagad na humingi ng tulong ang mga testigo sa mga barangay officials sa lugar.
Teorya naman ng mga awtoridad na posibleng nagpakamatay ang biktima dahil wala naman umanong senyales na nanlaban ito o may kaguluhang naganap sa kanyang tahanan.
Isa rin sa mga testigo ang nagsabi na una na rin siyang nilapitan ng biktima at sinabing “Bukas, burol ko na.”
Lumitaw rin sa imbestigasyon na ang biktima ay nasangkot sa pisikal na pananakit sa kanyang kinakasama at posibleng maharap ng kaso kaugnay nito.
Tumanggi na rin naman ang mga kaanak ng biktima na paimbestigahan at ipa-awtopsiya ang bangkay ng biktima, sa paniniwalang walang naganap na foul play sa insidente.