May 22, 2026

Home SHOWBIZ

‘Anong plano n’yo sa kanila?’ Vice Ganda, kinatigan mga nawalan ng trabaho sa oil crisis

‘Anong plano n’yo sa kanila?’ Vice Ganda, kinatigan mga nawalan ng trabaho sa oil crisis
Photo courtesy: It's Showtime (YT)

Direktang kinuwestiyon ng “It’s Showtime” host at Unkabogable Star na si Vice Ganda ang pamahalaan kung ano raw ang plano ng nito para sa mga Pilipinong nawalan ng trabaho dahil sa pagtaas ng presyo ng produkto sa petrolyo. 

Ayon sa naging segment na “Laro Laro Pick” ng It’s Showtime nitong Sabado, Abril 18, 2026, sinabi ni Vice na umaasa raw siyang napapanood ng mga opisyal ng pamahalaan ang kanilang noontime show. 

Ani Vice, marami raw Pilipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina, partikular ng mga tsuper ng dyip. 

“Sana lang nanonood ang pamahalaan,” pagsisimula niya, “Marami pong Pilipinong ganito ngayon, ha. Nawalan ng trabaho dahil sa taas ng presyo ng gasolina.” 

Diin pa ng host, “Lalong lalo na ‘yong mga drivers. Sila ang unang-unang tinamaan ng krisis na ito. Hindi na makapasada, kung pumapasada, wala nang kinikita.” 

Tsika at Intriga

Andrea Del Rosario, nagbiro sa mga may pic kasama si Bato: 'Lahat kayo for questioning daw!'

Matapos nito, direktang kinuwestiyon ni Vice ang pamahalaan kung ano raw ang plano nito para sa taumbayang lubhang naaapektuhan ng krisis. 

“Ang tanong: ano pong plano n’yo sa kanila?” tanong niya. 

Aniya pa, hindi naman daw niya, at ng mga kagaya niyang private citizen, makakayanang tulungan ang lahat ng naghihirap. 

“As private citizens, we can only wish to help pero hindi naman natin makakayanan lahat ‘yan, e. Diyos ko, bata pa lang naman tayo [ay] tumataas na ang gasolina ‘di ba?” saad niya. 

Pagpapatuloy ni Vice, kaya raw mahalaga na dapat may plano na ang pamahalaan noon pa sa mga sitwasyong tiyak na tataas pa lalo ang presyo ng produktong petrolyo. 

“Alam naman natin na mangyayari’t mangyayari ‘yan. Kaya dapat ‘yong pamahalaan, bago pa mangayari ‘yan, nag-iisip na kayo kung ano ang gagawin ninyo kapag nangyayari ‘yan,” ‘ika niya. 

Dagdag pa niya, “Hindi ‘yong kapag nangyari ‘yan, taranta kayo, nakanganga, ta’s wala kayong magagawa sa mga naghihirap sa mga mamamayan.” 

Anang host, nalulungkot daw sila sa kuwento ng mga naghihirap na tsuper at nananalangin siyang manatiling matatag ang mga ito.

“Ang masasabi lang namin, we feel sorry for everyone. Nalulungkot kami sa mga kuwento n’yo. Manatili kayong buhay, mabuhay kayo, and still God bless you,” pagtatapos pa niya.