Nakatakdang ipamahagi ng Malacañang ang higit-kumulang 20 toneladang gulay sa iba’t ibang lungsod at komunidad sa Metro Manila, na binili mula sa ani ng mga lokal na magsasaka sa La Trinidad, Benguet at Urdaneta, Pangasinan.
Ayon sa anunsyo ng Malacañang nitong Biyernes, Abril 17, ang mga nasabing lungsod at komunidad na pagbibigyan ng mga gulay ay ang mga sumusunod:
- Caloocan City
- Navotas City
- Malabon City
- Quezon City
- Pasay City
- Manila City
- DSWD NCR – Walang Gutom Kitchen
- New Bilibid Prison, Muntinlupa
- Manila City Jail
- Mga orphanage
Kasama ang mga lokal na magsasaka sa La Trinidad, personal na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pakakarga ng mga biniling gulay sa Office of the Philippines (OP) Bus.
Ayon pa sa Malacañang, sa pamamagitan ng inisyatibang ito, tiyak na sariwang mga pagkain ang madadala sa mga komunidad habang ang mga magsasaka ay mayroong dagdag kita.
Sa kaugnay na ulat, sa pagbisita ni PBBM sa La Trinidad Vegetable Trading Post (LTVTP) sa Benguet nito ring Abril 17, siya ay nakipag-ugnayan sa stakeholders at mga magsasaka upang tugunan ang epekto ng patuloy na tumataas na gastusin sa transportasyon at pagpapalakas ng ani mula sa bukid hanggang mga pamilihan.
Sa pagbisita ring ito, pinagtibay ni PBBM ang mga hakbang upang mapababa ang gastos sa logistics kasabay ng pagbili ng tinatayang 20 toneladang aning gulay.