Sugatan ang isang 42-anyos na ginang matapos siyang barilin ng kaniyang 18 taong gulang na anak habang siya ay natutulog sa Bantay, Ilocos Sur.
Ayon sa mga ulat, .38 na kalibre ng baril ang ginamit ng suspek ng paputukan niya ang sariling ina. Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa mukha ang biktima na noo’y natutulog lang nang maganap ang insidente.
Kaagad naman siyang naisugod sa ospital at kasalukuyan nang nagpapagaling.
Samantala, batay sa inisiyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, wala umano sa tamang pag-iisip ang suspek nang barilin niya ang kaniyang ina.
Batay sa pulisya, kusang-loob na sumuko sa kanila ang suspek at iginiit na marami raw siyang pinagdadaanan kung kaya’t nagawa niya ang krimen laban sa biktima.
Depensa pa ng suspek, wala rin umano siyang makausap, maski ang kaniyang magulang upang mailabas ang mga problema at hinanaing na kaniya raw dinadamdam.
Kasalukuyan na siyang nasa kustodiya ng mga awtoridad na nakaambang makasuhan ng reklamong parricide.
Kaugnay nito, may mensahe naman ang mga awtoridad sa publiko.
“Ganoon nga yung naging takbo, hindi n;ya na-open yung problema n'ya kahit kanino. Sinarili n'ya yung problema. Much better sana kung open yung communication between sa parents at sa mga bata para nagagabayan natin," ani acting Bantay police chief Police Captain Donaldson Pagalanan sa panayam ng media.