Masayang ibinalita ni dating Hashtags member at ngayo’y Kapuso actor Jon Lucas ang pagdating ng ikatlong anghel sa buhay nila ng misis niyang si Shy.
Sa latest Facebook post ni Jon nitong Biyernes, Abril 17, sinabi niyang matagal na umano niyang gustong ibahagi ang tungkol sa baby.
“[P]ero sabi ko next time na lang siguro kapag nandito na siya. Kaya hindi ko na rin papatagalin—hey guys, I’d like you to meet my son, CALVIN!” saad ni Jon.
Dagdag pa niya, “Pinanganak siya ngayong April 17 at exactly 10 in the morning. Yes po, share ko na rin sainyo na ka-birthday siya ng aking namayapang Daddy Arturo. Kaya sobrang special talaga sa amin ang araw na ito.”
Kaya naman sobrang espesyal umano ang araw na ito para sa kanila dahil tila buhay na buhay ang alaala ng kaniyang ama.
“SALAMAT SA INYONG LAHAT IN ADVANCE! Sa Ama ang lahat ng kapurihan!” ani Jon.
Matatandaang ang dalawa pang anak ni Jon kay Shy ay sina Brycen at Bria.