Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na aabot sa 178 na mga Pilipino mula sa Gitnang Silangan ang inaasahang makakabalik na sa bansa ngayong Biyernes ng gabi, Abril 17.
Ayon sa ulat ng DMW, 156 sa mga ito ay manggagaling sa Dubai, United Arab Emirates (UAE).
Anila, 112 sa mga ito ay Overseas Filipino Workers (OFW), habang 44 naman ay dependents ng mga ito.
Lulan ang mga nabanggit na Pinoy ng Emirates commercial flight na lalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 mamayang gabi.
Samantala, ang natitirang 22 naman ay nagmula sa bansang Israel, batay rin sa ulat ng DMW.
Anang ahensya, ang mga Pinoy na ito ay ligtas na nakatawid sa Egypt, kung saan sila nanatili pansamantala bago makauwi sa Pilipinas.
Ayon pa sa DMW, nakaalerto ang pamahalaan upang agad na mabigyan ng tulong ang mga uuwing Pilipino mula sa Middle East, gaya na lamang ng tulong-pinansyal, medikal, at transportasyon.
Pagtitiyak pa nila, nagpapatuloy pa rin ang repatriation program ng pamahalaan para sa mga Pinoy na nais umuwi sa bansa.