Tila nagpapasalamat ang United States (US) at Iran sa bansang Pakistan dahil sa mga ginawa nito upang isulong ang kapayapaan sa gitna na maigting nilang digmaan sa Gitnang Silangan.
Ayon sa naging pahayag ni US White House press secretary Karoline Leavitt sa isinagawa nilang press briefing noong Miyerkules (araw sa US), Abril 15, 2026, pinunto niyang importante raw para kay US President Donald Trump na pahalagahan ang pakikipagkaibigan sa kanila ng Pakistan at mga ginawa nito para matigil ang giyera.
“I just want to make one point that is important to the President,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “The Pakistanis have been incredible mediators and we really appreciate their friendship and efforts to bring this deal to a close.”
Ani Leavitt, ang Pakistan daw ang tanging namagitan sa US at Iran para bumuo ng pagpupulong, partikular ng Islamabad Talk na dinaluhan ng mga delegado ng naturang mga bansa.
“They are the only mediator in these negotiations while there have been many countries around the world who want to offer their help,” aniya.
Patuloy pa niya, “The President feels it’s important to continue the communication through the Pakistanis. So that’s what continues to take place.”
Ayon naman sa naging “X” post ni Foreign Minister ng Iran na si Seyed Abbas Araghchi noon ding Miyerkules (araw sa Iran), mapapanood sa video ang malugod niyang pagtanggap sa pagdating sa bansa nila ni Pakistan Field Marshal Munir.
Saad ni Araghchi, malugod daw sila sa ginawang pangunguna ng Pakistan sa naganap na Islamabad Talk upang mas palalimin pa ang relasyon ng kanilang mga bansa.
“Expressed gratitude for Pakistan's gracious hosting of dialogue, emphasizing that it reflects our deep and great bilateral relationship,” ‘ika niya.
Pagtitiyak ni Araghchi, nananatili pa rin daw silang bukas sa pagsusulong ng kapayapaan sa kanilang rehiyon.
“Our commitment to promoting peace and stability in the region remains strong—and shared,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang opisyal na impormasyong inilalabas ang mga nabanggit na bansa na nagkaroon na sila ng bagong kasunduan sa paghihinto ng digmaan.
Matatandaang inihayag ni US Vice President JD Vance noong Abril 12, 2026 na bigong makamit ng kanilang negotiation team ang kasunduan sa Iran, kasunod ng mahigit 21 oras na tuloy-tuloy na negosasyon sa Islamabad Talk.
Ayon kay Vance, nagkaroon ng kakulangan sa usapan at pinili umano ng Iran na hindi tanggapin ang mga kondisyon ng Estados Unidos, kabilang ang hindi pagbuo ng nuclear weapons.
KAUGNAY NA BALITA: 'Bad news for Iran!' US, kinumpirmang olats ang negosasyon nila sa Iran