May sorpresa sa kaniyang mga tagahanga ang tinaguriang Asia’s Phoenix na si Morissette Amon matapos niyang ihayag ang kaniyang pagbabalik sa teatro makalipas ang halos isang dekada.
Sa isang social media post, ibinahagi ng singer-actress na muli siyang aapak sa entablado bilang bahagi ng international premiere ng "The Notebook The Musical" sa Maynila, sa ilalim ng Theatre Group Asia.
Ayon kay Amon, gaganap siya bilang “Middle Allie,” isang karakter na aniya’y malapit sa kaniyang puso. Inamin din niyang bagama’t pamilyar siya sa kuwento, nangangailangan pa rin ito ng matinding paghahanda lalo na’t ibang uri ng disiplina ang hinihingi ng live theater kumpara sa kaniyang nakasanayang performances bilang recording artist.
Ibinahagi rin ng singer na matagal na rin mula nang huli siyang sumabak sa isang musical production, kaya naman itinuturing niya itong isang makabuluhang pagbabalik sa entablado. Dagdag pa niya, napapanahon ang pagbabalik niya lalo na’t nasa pinakamainam na kondisyon ang boses niya at emotionally-prepared siya.
Kuwento pa ni Amon, agad siyang naantig sa awiting “My Days,” na nagsisilbing pangunahing tema ng nasabing musical, at itinuring pa niya itong personal na awit.
Hindi rin naitago ng singer ang excitement niya sa bagong yugto ng kaniyang karera, na aniya’y puno ng emosyon at inspirasyon. Nagpasalamat din siya sa patuloy na suporta at pagmamahal na ipinapakita ng kanyang mga tagahanga.
"I am so excited for this beautiful (and already emotional) journey, thank you for the shower of love sent our way!" saad ng Asia's Phoenix.
Sa comment section naman, makikitang nagpakita ng pagsuporta sa kaniya ang Broadway Diva at Filipino pride na si Lea Salonga.
"So excited for you, Mori! Cannot wait to watch you sparkle and shine!" saad ni Lea, na nakilala rin sa pagganap sa musical plays.
Maging ang award-winning theater actress na si Joanna Ampil, nagkomento rin sa kaniya.
"So perfect for you! Can’t wait to hear you sing this," saad niya.
Ang The Notebook The Musical ay inaasahang magdadala ng isang makabagbag-damdaming kuwento ng pag-ibig sa entablado sa Maynila, tampok ang ilan sa mga kilalang pangalan sa industriya ng teatro at musika sa bansa.