Naglabas ng opisyal na pahayag ang ABS-CBN upang tugunan ang umano’y sunod-sunod na “public relations (PR) attacks” laban sa kompanya, na iniuugnay sa isang alitang pampamilya hinggil sa hinaharap ng organisasyon.
Kumakalat kasi ang isang ulat mula sa isang media outlet na umano'y isa sa mga miyembro ng pamilya Lopez, na isa ring miyembro ng Board of Directors, ang nagpanukalang i-shut down na nang tuluyan ang ABS-CBN dahil umano sa mga obligasyong pampinansyal nito, na lubos na naapektuhan simula nang hindi aprubahan ang franchise renewal ng estasyon noong 2020, sa kasagsagan ng pandemya at administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa kompanya nitong Miyerkules, Abril 15, ang pinakahuling artikulong kumakalat ay nagpapakitang tila may malasakit sa kapakanan ng mga empleyado, partikular sa usapin ng retirement fund.
Gayunman, iginiit ng ABS-CBN na ang nasabing ulat ay naglalaman ng mga maling interpretasyon at hindi kompletong impormasyon.
Ipinahayag ng kompanya na may record na nagpapakita na isa sa kanilang mga direktor ang nagmungkahi ng pagsasara ng ABS-CBN nang hindi umano tinatalakay kung paano matutugunan ang obligasyon nito sa mga empleyado.
Dagdag pa rito, sinabi nilang ang nakararaming miyembro ng Board of Directors ay pumabor sa patuloy na pagbibigay ng pinansyal na suporta sa halip na likidasyon, upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga empleyado, retirado, at iba pang stakeholder.
Nilinaw rin ng ABS-CBN na ang malaking pagbaba sa kanilang pension fund ay bunsod ng pagbibigay ng separation pay sa halos 6,000 empleyado na naapektuhan ng pagkawala ng prangkisa noong 2020. Ayon sa kanila, ito ay patunay ng kanilang pagsisikap na tuparin ang obligasyon sa kanilang mga manggagawa.
Sa kabila ng mga hamon sa pananalapi matapos mawalan ng prangkisa, sinabi ng kompanya na unti-unti silang bumabangon at nakapagtatala ng tuloy-tuloy na pagbuti.
Kinilala rin umano ng Board at ng pamilya Lopez ang progreso ng kompanya at ang kahalagahan nito sa bansa, lalo na sa serbisyo-publiko.
Pinabulaanan din ng ABS-CBN ang alegasyon na may 68 indibidwal na nakatanggap ng “preferred treatment” sa pagbabayad ng kanilang retirement benefits.
Ayon sa kanila, karamihan sa mga ito ay mga retiradong pumayag na ipagpaliban ang kanilang kabuuang benepisyo upang mauna ang pagbabayad sa mga empleyadong natanggal sa trabaho.
Bukod dito, itinanggi rin ng kompanya ang lumabas na ulat na ang ₱2 bilyong capital infusion ay gagamitin umano para sa retirement payouts, at sinabing ang naturang pahayag ay pinasinungalingan ng halos lahat ng miyembro ng Board of Directors.
Binigyang-pugay rin ng ABS-CBN ang kanilang founder na si Kapitan Eugenio Lopez, na naipasa ang pamumuno kina Gabby Lopez, at ngayon naman ay si Mark Lopez bilang chairman.
"ABS-CBN has been fortunate to have been founded by Kapitan Geny Lopez. We were blessed to have spent time under his leadership and that of his son, Gabby. That leadership continues today through our Chairman, Mark Lopez. Each generation has remained true to the values and mission of our founder. It was Kapitan Geny who said, 'Our reason for being is and always will be to be in the Service of the Filipino.'"
"In Kapitan Geny’s own words: 'Profit alone is not enough reason to go into business. But if we serve our people, then I think that our growth and success will follow. If we take care of our people, they will take care of us. That’s the kind of culture a company should have.'"
Giit pa ng ABS-CBN, ang patuloy na paglabas ng mga negatibong ulat laban sa kanilang pension fund, negosyo, at pamunuan ay nagpapakita na ang mga nasa likod nito ay hindi umano isinasaalang-alang ang pinakamabuting interes ng kompanya.
Sa huli, iginiit ng ABS-CBN na ang isyu ay isang alitang pampamilya na nararapat manatili sa pribadong usapin. Gayunpaman, tiniyak nila na hindi sila mag-aatubiling ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga maling paratang.
"This is a family dispute and should remain so. We also believe it should not be fought in public. However, ABS-CBN will not shy away from defending itself and any untruths leveled against it," anila pa.
Photo courtesy: ABS-CBN