Naungkat ang kontrobersiyal na pahayag ni Dra. Vicki Belo sa isang talk show noon laban sa clinic ng kapuwa niya celebrity doctor na si Dr. Manny Calayan.
Matatandaang sa isang episode ng “Showbiz Central” noong 2009, binitawan ni Dra. Vicki ang tila mapanlait na pahayag para ma-promote ang kaniyang negosyo.
Aniya, “If you want to look like Boy Abunda, then go to Calayan. But if you like to look like Dingdong Dantes and Piolo Pascual, come to Belo."
Kaya sa latest episode ng “Kay Susan Tayo! Vlogs” kamakailan, hiningan si Dr. Manny ng reaksiyon hinggil dito.
“Naku, si Boy ang nagalit. Sabi ko, loko-loko ‘yan si Vicki. Inano tayo sa ‘Showbiz Central.’ Ganyan daw, ganyan. Talaga? Samantalang sa akin galing si Dingdong Dantes before. No’ng nahulma ko na, kinuha na niya,” lahad ni Dr. Manny.
Ayon sa kaniya, naapektuhan umano ang negosyo niya dahil sa pahayag na ito ni Dra. Vicki.
“Lumakas lalo,” natatawang sabi ni Dr. Manny. “Alam mo naman, ang mga tao ‘di ba? Boy Abunda is Boy Abunda. Very credible ‘yan.”
Sa kabila nito, wala umano siyang sama ng loob sa kapuwa niya celebrity doctor bagama’t sinita niya ang mister nitong si Hayden Kho nang minsan niyang nakita ang huli.