Inilatag ni Kamanggagawa Rep. Eli San Fernando ang dahilan sa likod ng hindi pagsuspinde ng pamahalaan sa value-added tax (VAT) sa kabila ng krisis na kinakaharap ng Pilipinas bunsod ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Sa isang Facebook post nitong Lunes, Abril 13, sinabi ni San Fernando na mababawasan umano ang makakamkam na pera ng mga politiko, kaya patuloy umano ang gobyerno sa pagpapataw ng VAT.
“Simplehan lang natin,” sabi ni San Fernando. “Ayaw suspendihin ang value-added tax dahil 'pag sinuspinde 'yan, mababawasan 'yong mananakaw. Mababawasan 'yong pondo na ipapamumudmod ng mga politiko.”
“Ang malaking kaginhawahan na gusto ng mga ordinaryong Pilipino, ng mga manggagawa at magsasaka, suspendihan na 'yang value-added tax,” dugtong pa niya.
Ayon sa kongresista, tila ang gusto umano ng gobyerno ay habang-buhay na lang umasa ang taumbayan sa mga ayudang ipinamamahagi.
“Ang gusto natin ay direktang pababain ang presyo ng mga bilihin at itaas ang sahod ng mga manggagawa,” pahabol pa ni San Fernando.
Matatandaang ayon kay Presidential Communication Office Usec. Claire Castro, hindi pa umano saklaw ng kapangyarihan ng Pangulo ang pagsususpinde ng VAT sa produktong petrolyo.