May 21, 2026

Home BALITA Metro

Environmental Bureau, nagbabala sa hanging dala ng nasunog na landfill sa Navotas

Environmental Bureau, nagbabala sa hanging dala ng nasunog na landfill sa Navotas
Photo courtesy: MB file photo

Nagbigay ng paalala ang Environmental Management Bureau - National Capital Region (EMB-NCR) sa publiko na mag-ingat laban sa mapanganib na air pollutants noong Sabado, Abril 11, 2026, matapos sumiklab ang sunog sa Navotas City Sanitary Landfill.

Inirekomenda ng ahensya na manatili muna sa loob ng bahay ang mga residente sa mga apektadong barangay at panatilihing sarado ang mga bintana at pintuan upang maiwasan ang pagpasok ng usok.

Pinayuhan din ang pansamantalang pagsuspinde ng mga outdoor activity, sports, at klase sa mga lugar na may matinding usok o masangsang na amoy.

Para sa mga kinakailangang lumabas, inabisuhan ang publiko na magsuot ng N95 mask o katumbas na respirator, lalo na ang mga kabilang sa high-risk group tulad ng mga bata at sanggol, matatanda, buntis, at mga may umiiral na sakit sa puso o baga gaya ng hika at chronic obstructive pulmonary disease.

Ayon sa EMB-NCR, nagsasagawa na ito ng rapid on-site validation at aerial assessment gamit ang drone upang matukoy kung aling mga lugar ang apektado ng sunog.

Metro

53-anyos na babae, namatay sa gitna ng AICS payout

"While full mapping of the affected barangays is underway, we are issuing this initial advisory to ensure the safety of residents in the immediate vicinity and those situated downwind," ayon sa inilabas na pahayag ng naturang ahensya.

Idineploy na rin ang Ambient Air Unit ng EMB-NCR upang tukuyin ang lawak ng apektadong lugar, direksyon ng usok, at magsagawa ng air sampling upang masukat ang kalidad ng hangin. 

Nakikipag-ugnayan din ito sa mga awtoridad sa Region 3 para sa monitoring sa mga lugar na dinadala ng hangin ang polusyon.

Inaasahan namang ilalabas ng EMB-NCR ang listahan ng mga apektadong barangay matapos makumpleto ang drone validation.

Nagsimula ang sunog sa landfill noong Biyernes ng gabi, Abril 10, 2026 na tumagal hanggang Sabado, at idineklarang under control nitong Linggo ng umaga, Abril 12.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Navotas, magpapatuloy ang aerial operations ng Philippine Air Force upang tuluyang maapula ang apoy, katuwang ang Bureau of Fire Protection.