Nakatikim ng maanghang na banat mula kay radio at television personality DJ Chacha ang mga politiko na aniya’y parang mga taxi.
Sa isang Facebook post ni DJ Chacha kamakailan, ipinaliwanag niya kung bakit inihalintulad niya sa taxi ang mga politiko.
“Di ba ang taxi kapag kailangan mo, wala ka makita. Kapag naman hindi mo kailangan, ang dami nila. Ang ibang pulitiko ganon din. Bigla silang nagiging available kapag malapit na eleksyon pero dahil matagal pa 2028 karamihan sa kanila WALANG PARAMDAM AT WALANG REPLY,” saad ni DJ Chacha.
Kaya naman, sobrang nakakapanibago umano makakita ng politikong madaling hagilapin at mabilis pumayag, lalo na sa mga importanteng ganap.
Aniya, “Alam ng mga kasamahan ko ito sa media. Yung iba dyan, biglang nagiging ‘Most Accessible Person of the Year’ lang kapag malapit na ang eleksyon.”
“Lalo na yung mga re-electionist—biglang ang bibilis mag-reply, biglang ang daling tawagin, at biglang ‘open for all questions’ na. Pero pag upo uli, parang naging multo na naman na mahirap mahuli?” dugtong pa ni DJ Chacha.
Sa huli, hiniling niya na sana hindi lang tuwing kampanya malalapitan ang mga halal na opisyal.