Itinanghal na grand winner ang birit duo na “JMielle,” na binubuo nina JM Dela Cerna at Marielle Montellano, sa ginanap na grand showdown ng Your Face Sounds Familiar Season 4 ngayong Linggo, Abril 12.
Sa kanilang huling pagtatanghal, ginaya nina JM at Marielle ang iconic duet performance nina Grammy winner Jennifer Holliday at noo'y "American Idol" season 11 grand finalist na si Filipina-American singer Jessica Sanchez kung saan inawit nila ang kantang “And I’m Telling You I'm Not Going” na umani ng matinding reaksiyon mula sa live audience at social media, dahil sa "bakulawan" nila.
Naging trending sa social media ang naging performance ng JMielle at naging hot topic pa ng content creators at vloggers.
Matapos ang lahat ng performances, nakuha ng tambalan ang titulo matapos makapagtala ng pinakamataas na pinagsamang iskor na 94% mula sa kanilang mga nakaraang performances, bukod pa sa pagkuha ng pinakamataas na jury score sa mismong grand showdown. Sa kabuuan ng season, tatlong beses silang naging weekly winners sa paggaya sa iba't ibang music icons.
Ipinahayag ng duo ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa production team at sa programa sa tiwalang ibinigay sa kanila upang maisagawa ang iba’t ibang hamon at iconic transformations sa buong season.
Pinasalamatan din nila ang isa’t isa, na binigyang-diin ang kanilang matibay na samahan, pagsisikap, at suportahan mula simula hanggang sa huli ng kompetisyon.
Bilang grand winners, kanilang naiuwi ang ₱1 milyong cash prize.
Para sa grand showdown, ginaya ni Jason Dy si Beyoncé, si Jarlo Base bilang Freddie Mercury, si Alexa Ilacad bilang Shakira, si Dia Mate bilang Rihanna, si Akira Morishita bilang Justin Timberlake, at si Rufa Mae Quinto bilang Katy Perry.
Nakatanggap ng special awards ang bawat celebrity contestants bilang pagkilala sa kanilang performances.
Ang bumuo sa jury panel ay sina Erik Santos, Karla Estrada, ang mentors na sina Nyoy Volante at YFSY season 3 grand winner na si Klarisse de Guzman, at original jury na sina Ogie Alcasid at Gary Valenciano. Hindi naman nakadalo sa grand showdown si Megastar Sharon Cuneta.
Nagkaroon naman ng special performance ang dating host ng YFSF na si Billy Crawford.
Parehong naging contestants ng "Tawag ng Tanghalan" sa noontime show na "It's Showtime," sina JM at Marielle din ang kauna-unahang grand winner ng "TNT Duets" noong 2023.
Maki-Balita: Marielle Montellano at JM dela Cerna, itinanghal na ‘TNT Duets’ champions