May 21, 2026

Home BALITA

Babaeng supplier ng droga ng ilang preso gamit ang Bible, sinentensyahan!

Babaeng supplier ng droga ng ilang preso gamit ang Bible, sinentensyahan!
Photo courtesy: Contributed photo

Hinatulan ng anim na taong pagkakakulong ang isang babae matapos umamin sa pagpupuslit ng ilegal na droga kabilang ang synthetic cannabinoids, sa loob ng kulungan.

Kinilala ang akusado na si alyas “Henna” na umaming itinatago niya ang mga ipinagbabawal na sangkap sa loob ng mga Bibliya, iba pang religious materials, magasin, diyaryo, at maging sa legal mail bago ipadala sa mga bilanggo sa kulungan sa Texas, US.

Nadiskubre ang modus matapos mapansin ng mga tauhan ng Allred Unit ang ilang leather-bound Bibles na may mga pahinang pinaghihinalaang binabad sa kemikal. Nang suriin, nagpositibo ang mga ito sa synthetic cannabinoids.

Sa isinagawang imbestigasyon, natukoy na mula sa isang Office Depot ipinadala ang mga pakete, kung saan nakita sa CCTV footage si Henna na gumagamit ng self-checkout upang magpadala ng mga kahon papunta sa mga inmate. 

Ayon sa mga awtoridad, hindi bababa sa tatlong paketeng may kabuuang 360 gramo ng ipinagbabawal na sangkap ang kaniyang naipadala sa loob ng piitan.

'We will comply!' SILG Remulla, kikilos na sa pag-aresto kay Sen. Bato

Nang halughugin ang kaniyang bahay, nakumpiska ang humigit-kumulang 4.9 pounds ng synthetic cannabinoids sa iba’t ibang anyo tulad ng likido, pulbos, at papel.

Sinabi rin ng Inspector General ng Office of Inspector General ng Texas Department of Criminal Justice na nananatiling determinado ang ahensya na tukuyin at usigin ang sinumang magtatangkang ilagay sa panganib ang seguridad ng kanilang mga pasilidad.

Binigyang-diin pa ng ahensya na ipagpapatuloy nila ang kanilang mga hakbang upang mapigilan ang pagpasok ng kontrabando sa loob ng mga kulungan, sa pamamagitan man ng koreo o iba pang paraan, kabilang ang pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa mga iligal na operasyon ng pagpupuslit.