May 22, 2026

Home BALITA Internasyonal

Artemis II, balik-mundo matapos lunar flyby mission sa buwan!

Artemis II, balik-mundo matapos lunar flyby mission sa buwan!
Photo courtesy: NASA

Matagumpay na nakabalik sa mundo noong Biyernes (araw sa United States), Abril 10, ang apat na astronaut na sakay ng Artemis II matapos ang isinagawa nilang 10 araw na lunar flyby mission at makapagtala ng mahigit 252,757 milyang distansya mula sa daigdig. 

Nakalapag ang nasabing Orion spacecraft sa Karagatang Pasipiko bandang 8:07 ng gabi sa San Diego, California noong Biyernes. 

“Welcome home Reid, Victor, Christina, and Jeremy!” anang NASA sa caption ng inupload nilang video sa naturang paglapag ng Artemis II. 

Photo courtesy: NASA

Screenshot mula sa NASA.

Dagdag pa nila, “The NASA Artemis II astronauts have splashed down at 8:07 p.m. EDT (0007 UTC), bringing their historic 10-day mission around the Moon to an end.” 

Internasyonal

WHO, nababahala sa ‘scale and speed’ ng Ebola outbreak; 134 suspected deaths naitala

Lulan ng Artemis II ang apat na mga National Aeronautics and Space Administration (NASA) astronaut crew na sina Reid Wiseman, Victor Glover, Christina Koch, at Canadian Space Agency (CSA) astronaut na si Jeremy Hansen. 

Matatandaang Abril 1, 2026, nang lumipad mula Florida palabas ng mundo ang Artemis II sakay ang mga nasabing astronaut. 

Mula dito, nagawang makapagtala ng kasaysayan ang kanilang ekspedisyon dahil narating nila ang mahigit 252,757 milyang layo mula sa mundo na maituturing na pinakamalayong distansyang naabot ng tao mula sa Earth.

Higit na mas malayo ito ng 4,102 milya kumpara sa dating tala ng Apollo 13 noong 1970, na umabot sa 248,655 milya. 

Idagdag pa ang eksklusibong pagdodokumento nila noong Lunes, Abril 6, 2026, sa malayong bahagi pa ng buwan na hindi pa nakikita ng sangkatauhan kailanman at ang pagkuha nila ng larawan sa total solar eclipse mula sa kalawakan. 

Ang NASA at US military ang tumulong sa mga astronaut na makalabas sa Orion spacecraft matapos nilang makalapag sa Karagatang Pasipiko. 

Nakatakdang magpahinga ang mga astronaut matapos nilang harapin ang maximum speed na 30 beses na mas mabilis sa speed of sound at maranasan ang mataas na temperatura sa muling pagpasok nila sa mundo. 

Samantala, itinuturing naman ng NASA na isang matagumpay na misyon ang nagawa ng Artemis II at tiniyak nila sa publiko na ito pa lang ang simula ng muli nilang pagsusubok na makarating sa buwan. 

KAUGNAY NA BALITA: Artemis II, narating higit 200k milyang layo sa Earth; kinabog Apollo 13 record noong 1970

KAUGNAY NA BALITA: 'Halfway home!' Makasaysayang Artemis II, malapit nang makabalik sa Earth