Sabay na napanalunan ng dalawang lucky bettors ang tumataginting na milyon-milyong jackpot prize ng SuperLotto 6/49 at Lotto 6/42 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes ng gabi, Abril 7.
Sa abiso ng PCSO, nabatid na isang taga-Gapan City, Nueva Ecija ang nagwagi ng ₱171,028,544.44 jackpot prize ng SuperLotto 6/49 matapos na matagumpay nitong mahulaan ang winning combination na 25-04-46-44-28-36.
Taga-Cagayan de Oro City naman sa Misamis Oriental ang nagwagi ng ₱10 milyon matapos na matagumpay na mahulaan ang winning combination na 06-37-23-02-39-31 ng Lotto 6/42.
Upang makubra ang kanilang premyo, pinayuhan naman ng PCSO ang mga lucky winners na magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanilang lucky tickets at tig-dalawang balidong IDs.
Nagpaalala rin ang PCSO na ang lahat ng premyong lampas ng P10,000 ay papatawan ng 20% tax sa ilalim ng TRAIN Law.
Ang lahat naman ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa petsa ng pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.
Hinikayat din ni PCSO General Manager Mel Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang gaming products upang mas marami pa silang matulungang kababayan natin na nangangailangan.
Ang SuperLotto 6/49 ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Linggo habang ang Lotto 6/42 naman ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Sabado.