Tila hindi napigilang murahin ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang dalawang nahuling holdaper na naaktuhang nambibitikma sa isang babaeng rider sa Road 10, Tondo noong gabi ng Lunes, Abril 6, 2026.
Ayon sa ibinahaging video ng Manila Public Information Office sa kanilang Facebook page nitiong Martes, Abril 7, mapapanood na nasa kustodiya na ng mga pulis ang dalawang suspek na sina Moises “Moymoy” Alpero, 26, at Marlon “Sagiab” Cabigting, 37.
Sa simula ng video, inutusan ni Mayor Isko sina Moymoy at Sagiab na tingnan ang umiiyak pang biktima na si Patricia Lopez, residente mula sa Navotas City, nang humarap sa alkalde at dalawang suspek.
“Tingnan n’yo ‘yong ginawa n’yo’ ani Mayor Isko.
Dagdag pa niya, “Buwaka ng ina n’yo!’
Screenshot mula sa FB post ng Manila PIO.
Tila nagawa pang itanggi ng suspek na si Sagiab ang paratang sa kaniya bilang isa sa mga umatake sa biktimang rider.
“T*ng-ina mo. Sinungaling kaming lahat ngayon?” kuwestiyon ng alkalde.
Dahil dito, personal na tinatanong ni Mayor Isko si Patricia kung sina Sagiab at Moymoy talaga ang dalawang suspek na nangholdap sa kaniya sa Tondo.
Umiiyak pa rin habang kinumpirma ni Patricia ang pagkakakilanlan ng dalawa.
“Put*ng-ina n’yo, sasaksakin n’yo pa ‘yong babae, e. Nakakapanginig kayo ng laman” bulalas ng alkalde.
Base naman sa impormasyong isinapubliko ng Manila PIO, pinayuhan umano ni Mayor Isko si Patricia na ituloy nito ang pagsasampa ng kaso sa dalawang suspek upang maiwasan nang makapambiktima pa ang mga ito ng iba.
Patuloy umanong pinaiigting ng Manila Police District (MPD) ang kanilang mga operasyon upang malabanan ang krimen at matiyak ang kaligtasan ng taumbayan sa lungsod ng Maynila.
Maaaring mapanood ang video ng panghoholdap ng dalawang suspek kay Patrica sa link na ito: https://web.facebook.com/share/r/1EfF1LB5wn/