Sumagot na ang may-ari ng isang viral na karosa sa Baliwag, Bulacan matapos pag-usapan sa social media at umani ng samu't saring reaksiyon at komento ang paglalagay niya ng mga estatwa ng Korean Joseon Dynasty royal guards sa likuran ng rebulto ni Hesukristo, kaugnay pa rin sa prusisyon para sa Semana Santa.
Makikita sa Facebook post ni Ewok Simbulan, ang nasa likod nito, ang mga larawan kung saan makikita ang dalawang kawal na sa sinaunang dinastiya ng South Korea, habang tila nakabantay kay Hesus.
"DEBOSYON. PANATA. TRADISYON," saad ni Ewok sa kaniyang post noong Biyernes, Abril 3.
"SANTISIMO CRISTO DE LA PURPURA. Ang Pagbabalabal kay Jesus ng Kapang Purpura. Sa aming pangangalaga ni Enchong Reyes," pagbanggit niya sa kasama niyang bumuo nito.
Bagama't maraming naaliw at natuwa, marami rin ang nadismaya at tila hindi ikinatuwa ito.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:
"Parang hindi po akma yung portrayal ng mga dumakip kay Jesus Christ. Sana po ay mas maging historically or culturally accurate po para maiwasan ang maling interpretation lalo po maraming tao ang nanonood at maiwasan din ang confusion."
"sa korea pala pinako si Jesus"
"Laro kayo! Proud pa talaga no."
"“Ang Paghampasimnida ng mga hudyeongseo."
"NOT GOOD! PAPANSIN LANG!"
"Dati Filipiniana at Disney characters. Ngayon naman Korean nobela? Bkit pinapayagan ng parokya ang ganito?"
"Kanya kanyang style yan. Yung mga sto.niño nga ginawa ninyong basketball player o kung ano ano pa wala namang pumansin. Maganda kasi saka kakaiba to kaya napuna. Hahaha."
"Ang paglalabas ng poón ay pagkukwento ng mga kabanata ng pasyon. Hindi yan manika na pwede mong ipasuot kung ano ang gusto mo. Soldadong Romano ang nasa kwento, hindi sundalong oppa. You see the ridicule you’ve exposed the sacred image to?"
Samantala, sa panayam at ulat ng ABS-CBN News kay Simbulan, sinabi niyang wala raw siyang binabastos na imahe sa nabanggit na karosa, at ang paglalagay ng tema sa costumes ay hindi na raw bago sa Baliwag, basta't napananatili ang kasagraduhan ng mga banal na imahe.
"Wala akong binastos na na banal na imahe dahil mga sundalo lamang ang ginawan ko ng tema, hindi ang Mahal na Poong Hesukristo. Ang mga sundalong ito ay hindi naman mga banal at santo," paliwanag ni Simbulan.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o opisyal na pahayag ang pamunuan ng simbahang Katolika tungkol dito.