Tahasang ipinahayag ng Malacañang na hindi umano magiging isyu sa bansang Amerika ang pagpayag ng Iran na makadaan ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa Strait of Hormuz.
Matatandaang kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Theresa Lazaro kamakailan na sila ay nakipag-usap sa Iran hinggil sa ligtas na pagdaan ng Pilipinas sa Strait of Hormuz, upang magkaroon at makabili ang bansa ng sapat na suplay ng langis.
MAKI-BALITA: Pinoy seafarers, mga sasakyang pandagat ng Pinas, ligtas makadaan sa Strait of Hormuz—DFA-Balita
Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Abril 6, tiniyak ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na wala umano itong problema sa bansang Amerika.“
Nakausap po natin mismo si Secretary Tess, at ang sinabi po ni Secretary Tess Lazaro ng DFA, wala po tayong nakikitang anong magiging isyu sa ating kaibigan na bansa na US dahil alam naman po nila ang sitwasyon ngayon, at hinahalintulad po ito sa pag-angkat po natin ng oil mula sa Russia,” saad ni Usec. Castro.
Giit ng Palasyo, nakakadaan na rin daw ang mga exports products ng bansa patungong Middle East.
“Opo, kasi po ang sinabi sa atin dito of course, ‘pag sinabi po natin na puwedeng dumaan, lahat po ng Philippine products or PH-bound goods, ito po ay mapapakinabangan po natin,” aniya.Mahalaga ang Strait of Hormuz sa usaping produktong petrolyo sapagkat malaking porsyento ng oil supplies sa mundo ay dumadaan dito, kung kaya’t itinuturing itong isa sa mga pinakaimportanteng oil chokepoints.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Bakit mahalaga ang ‘Strait of Hormuz’ sa bentahan ng langis ng mga bansa?-Balita