Aabot sa higit 30 na mga Pilipino mula sa mga bansang Lebanon, Qatar, at United Arab Emirates (UAE) ang matagumpay na napauwi sa bansa, batay sa ulat ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ito ay bahagi ng repatriation process na isinasagawa ng pamahalaan, bilang tugon sa patuloy na tensyong nagaganap sa pagitan ng mga bansang nasa rehiyon ng Gitnang Silangan.
Ayon sa DMW, 19 na Overseas Filipino Workers (OFWs) at isang kaanak mula sa Qatar ang nakauwi na sa bansa noong Linggo ng gabi, Abril 5, lulan ng Qatar Airways Flight QR928 na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Kaugnay nito, iniulat din ng DMW nitong Lunes, Abril 6, na aabot sa siyam na OFW at isang dependent mula sa UAE, at pitong OFW mula naman sa Lebanon ang nasaklolohan din ng kanilang ahensya.
Samantala, siniguro din ng ahensya na ipagpapatuloy nila ang pagpapaabot ng tulong-pinansyal para sa mga naturang balikbayan, katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Foreign Affairs (DFA) at embahada ng Pilipinas.