Umani ng reaksiyon at komento mula sa mga netizen ang naging Instagram story ng aktor na si Carlo Aquino tungkol sa mga tren ng ginagawang Metro Rail Transit (MRT) 7.
Sa Instagram story kasi ni Carlo kamakailan, ibinahagi niya ang ilang litrato ng bagon, na hindi pa nagagamit at operational dahil hindi pa tapos ang MRT-7.
Tila nagpahayag ng panghihinayang si Carlo dahil tila "nabulok" na lang daw ang mga tren, hindi pa ito nagagamit.
"Nabulok na lang hindi pa din nagagamit," mababasa sa text caption ng kaniyang IG story, kalakip ang kuhang larawan sa tren, na nakatengga sa riles.
Photo courtesy: Screenshot from Carlo Aquino/IG via Fashion Pulis
Matatandaang ang konstruksyon ng MRT-7 ay unang napag-usapan sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, at noong 2008 napirmahan ang mga kontrata kaugnay nito.
Na-carry over ang proyekto sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, at sinimulan ang pagpapasinaya sa konstruksyon nito noong Abril 2016, subalit nang mga panahong iyon, mag-eeleksyon sa pampanguluhan at malapit na ring matapos ang kaniyang termino.
Isa ito sa mga proyektong na-carry over sa "Build, Build, Build" program ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nang manalo siya noong 2016, at tuluyang sinimulan ang konstruksyon sa kaniyang administrasyon, subalit hindi pa rin natapos, hanggang sa umabot na sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. Tinawag naman niya ang programa bilang "Build, Better, More."
Naantala ang konstruksyon ng MRT-7 dahil sa epekto ng pabago-bagong administrasyon.
Ang 22-kilometrong riles na ito ay magmumula sa North Avenue (Common Station) sa Quezon City at aabot hanggang sa San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon kay dating Department of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon noong Hunyo 2025, inaasahang magiging partially operational ang MRT-7 sa 2027 pa.
"Kampanteng-kampante na ako na matatapos ang MRT-7 bago matapos ang termino ni Pangulong Bongbong Marcos. Kaya by 2027, masasakyan na ito ng ating mga kababayan," saad ni Dizon sa panayam ng media.