Nanawagan si Senadora Imee Marcos ng ganap na transparency kaugnay sa final report ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) hinggil sa imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa flood control projects.
Matatandaang nabanggit ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, nang bisitahin niya ang tanggapan ng ICI noong Martes, Marso 31, na may pangamba raw ang ICI na ilabas ang final report dahil baka "balikan" sila ng mga nasa likod ng anomalya sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Maki-Balita: ICI, nangangamba raw balikan kung matutukoy kung sino may pananagutan sa korapsyon
Maki-Balita: Leviste, sinabing walang matutukoy na mastermind ng korapsyon sa DPWH ang ICI final report
Ibinigay na raw ng ICI ang kopya ng final report kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at nasa kaniya na raw kung isasapubliko ba niya ang isinasaad ng huling ulat ng komisyon.
Maki-Balita: 'Naibigay na ng ICI kay PBBM ang final report, nasa kaniya kung ilalabas sa publiko!'—Rep. Leviste
Sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules Santo, Abril 1, iginiit ni Sen. Marcos na malinaw na nakasaad sa Section 8 ng Executive Order No. 94—na lumikha sa ICI noong nakaraang taon—na kinakailangang ilathala ng komisyon ang kanilang mga nagawa at iba pang mahahalagang ulat.
Ayon kay Sen. Imee, “Section 8 of Executive Order 94 which created the Independent Commission for Infrastructure (ICI) last year requires the ICI to publish its accomplishments and ‘such other relevant reports.’ What could be a more relevant report than the final report itself?”
Dagdag pa ng senadora, mahalaga ring mailabas ang buong konteksto ng ulat sa pamamagitan ng paglalathala ng mga transcript ng mga pagdinig at mga dokumentong isinumite ng mga resource persons.
“Furthermore, to give context to the final report, the ICI should also release the transcripts of its proceedings and the documents filed by the resource persons,” aniya.
Binigyang-diin din ni Marcos na ang ganap na pagbubukas ng impormasyon ang tanging paraan upang maibalik ang tiwala ng publiko sa ICI at maging sa kasalukuyang administrasyon, kasunod ng umano’y hindi maayos na paghawak sa isyu ng flood control.
“Full transparency is the only way for the ICI and maybe, this administration, to redeem themselves in their dismal handling of the flood control mess,” saad niya.
Sa huli, mariin niyang kinuwestiyon ang layunin ng pagkakatatag ng komisyon kung hindi rin naman ilalantad ang mga resulta ng imbestigasyon.
“PARA QUE PANG ITINATAG YANG ICI KUNG ITATAGO LANG NAMAN ANG REPORT, WALANG ILALANTAD NA BUWAYANG MASTERMIND, AT TULOY-TULOY LANG ANG PANGUNGURAKOT, HABANG NALULUNOD SA BAHA AT HIRAP ANG SAMBAYANAN?” giit ng senadora.
Dagdag na banat pa ng senadora, "Nag-imbestiga? Nasaan ang ICI report? Na-April Fools na, nahudas pa!" aniya.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang Palasyo o maging ang ICI tungkol dito.