May 22, 2026

Home BALITA Metro

‘Mahirap palang maglakad sa Metro Manila!’ Isang grupo ng vloggers, panawagan ligtas at ‘walkable’ na daanan

‘Mahirap palang maglakad sa Metro Manila!’ Isang grupo ng vloggers, panawagan ligtas at ‘walkable’ na daanan
Photo courtesy: JetNekko (TikTok screenshot)

Ipinapanawagan ng isang grupo ng vloggers sa pamahalaan ang “walkable” sidewalks sa Metro Manila upang matiyak ang kaligtasan ng bawat pedestrian. 

Sa ulat ng 24 Oras noong Lunes, Marso 30, ibinahagi ng vloggers na “Chinito Walkers” mula sa De La Salle University (DLSU) ang mga karanasan nila sa paglalakad sa iba’t ibang parte ng Metro Manila bilang kanilang kampanya sa ligtas at walkable na mga daanan, na nagsimula lamang daw bilang “trip-trip” lang. 

“Sobrang haba po ng pila sa LRT na umabot sa labas. College friends kami, parang sinabi lang namin, ‘what if lakarin natin from La Salle to bahay natin,’ that one video kind of blew up on TikTok,” saad ng isa sa mga miyembro na si Irvin Ong o kilala rin bilang “JetNekko” sa social media. 

“Parang na-open ‘yong eyes namin na mahirap pala talagang maglakad sa Metro Manila,” aniya pa. 

Mapapanood sa ulat na nilakad ng “Chinito Walkers” ang daan mula sa DLSU Taft Avenue hanggang Quirino Avenue. 

Metro

53-anyos na babae, namatay sa gitna ng AICS payout

Ibinahagi rin dito ni Ong na napagtanto rin nilang mahalagang maging alerto ang pedestrians habang naglalakad dahil “danger zone” raw na maituturing ang maraming daan dahil sa nasasakop na rin ito ng mga sasakyan. 

“Everytime we step outside, we definitely have to be attentive and alert sa surroundings namin. Kahit sanay na, it’s not an excuse to just not look around. Kasi technically, danger zone na ‘to eh,” saad ng grupo. 

Mapapanood na pagdating ng grupo sa Quirino Avenue, nasa bangketa na ang mga naka-park na motor at tricycle, gayundin ang tambak na dumi ng mga hayop at tao. 

Kaya pabirong binanggit ng grupo na isa pa sa mga binabantayan nila tuwing naglalakad sila ay ang “land mines” ng mga dumi na puwedeng maapakan ng pedestrians. 

Nang makarating sila sa Osmeña Highway, narito ang tinatawag nilang “rocky road” na bukod sa mga dumi ng hayop at tao, ay tadtad din ng mga bato at bubog. 

Kaya sa halos dalawang kilometrong lakad na ito, napagtanto rin ng “Chinito Walkers” na hindi prayoridad ang kapakapanan ng pedestrians sa paglalagay ng sidewalks, partikular ng senior citizens at persons with disabilities (PWDs).

Kaya hiling nila, dumating ang panahon na mabigyang prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng pedestrians sa mga susunod na paggawa at pagsasaayos ng mga daan. 

Ang “Chinito Walkers” ay unang nag-viral sa video nilang biglaang paglalakad ng anim na kilometro mula sa DLSU Taft hanggang sa bahay nila na malapit sa Bambang, Maynila.