May 21, 2026

Home BALITA National

Inflation rate ngayong Marso, tinatayang maglalaro sa 3.1%-3.9%—BSP

Inflation rate ngayong Marso, tinatayang maglalaro sa 3.1%-3.9%—BSP
Photo courtesy: Bangko Sentral ng Pilipinas/FB, MB


Papalo umano sa 3.1% hanggang 3.9% ang inflation rate, o ang antas ng presyo ng mga bilihin at iba’t ibang serbisyo sa bansa ngayong buwan ng Marso, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Martes, Marso 31.

Ayon sa BSP, nakaapekto raw ang ilang salik sa posibleng pagbilis ng inflation sa Pilipinas, tulad ng pagsipa ng presyo ng ilang produkto at ang pagbulusok ng piso kontra dolyar.

“Tinataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na aabot sa 3.1% hanggang 3.9% porsyento ang inflation sa Marso 2026,” saad ng BSP.

Anila, “Tumaas ang inflation risks dahil sa malakihang pagtaas ng lokal na presyo ng produktong petrolyo, mas mataas na presyo ng bigas, mas mataas na singil sa kuryente sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Meralco, at paghina ng piso.”

Paliwanag ng BSP, posible pa raw ang pagbaba ng inflation rate kasabay ng inaasahang pagbaba ng ilang produkto gaya ng gulay, karne, at isda—ngunit pagtitiyak nila, patuloy ang kanilang pag-monitor sa galaw nito.

“Maaaring makatulong ang inaasahang pagbaba ng presyo ng gulay, isda, at karne upang bumaba ang inflation, ngunit kailangan pa ring bantayan ang mga pressure na maaaring magpataas sa inflation,” anang BSP.

“Mananatiling magbabantay ang BSP at gagabayan ng paparating na datos, lalo na sa inflation at paglago ng ekonomiya. Patuloy din nitong susubaybayan ang mga kaganapan sa Gitnang Silangan at ang posibleng epekto nito sa inflation at aktibidad pang-ekonomiya,” pagtitiyak nila.

Matatandaang pumalo sa 1.8% ang inflation rate noong Disyembre 2025, base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Matapos ang isang buwan, umakyat ito sa 2.0% noong Enero 2026, at patuloy na tumaas sa 2.4% noong Pebrero 2026.

MAKI-BALITA: Inflation rate sa Pinas, bahagyang bumilis noong Disyembre 2025-Balita

MAKI-BALITA: Inflation rate noong Enero 2026, pumalo sa 2.0%—PSA-Balita

MAKI-BALITA: Inflation rate, tumaas sa 2.4% noong Pebrero 2026!-Balita