May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Totoo bang nakamamatay ang kagat ng hayop na may rabies?

ALAMIN: Totoo bang nakamamatay ang kagat ng hayop na may rabies?
Photo courtesy: Unsplash

Umabot na sa 17 ang bilang ng mga nabiktima ng rabies sa unang dalawang buwan ng 2026, ayon sa tala ng Department of Health (DOH) noong Marso 7. 

Bagama’t 65% mas mababa kumpara noong 2025, 76% sa bagong tala ay nagmula sa mga hayop na hindi pa nababakunahan laban sa rabies. 

Kaya paalala ni Health Sec. Teodoro Herbosa sa mga nag-aalaga ng hayop, mahalagang dalhin ang mga ito sa beterinaryo para sa konsultasyon at taunang pagpapabakuna.

Gayundin ang agarang paghuhugas ng balat kung sakaling may sugat galing sa kagat ng hayop gamit ang sabon at malinis na tubig sa loob ng 15 minuto, bago magtungo sa pinakamalapit na DOH-certified animal bite center para sa bakuna. 

Kasama rin sa binanggit ni Herbosa sa publiko ay ang maagap na pagsunod sa itinakda nilang iskedyul at tamang dose ng post-exposure vaccine laban sa rabies. 

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

MAKI-BALITA: DOH, nagbabala sa posibleng pagsipa ng kaso ng rabies sa panahon ng tag-init

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Common rabies myths na dapat mong malaman

Dahil sa mga paalala ng kalihim, gaano nga ba kaseryoso ang rabies? 

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang rabies ay isang public health concern sa higit 150 bansa, partikular sa mga bansang nasa Asya at Africa. 

Anila, ang rabies ay isang viral, zoonotic, at kadalasang napababayaan na sakit na nagdudulot ng libo-libong pagkasawi ng mga tao taon-taon, kung saan 40% dito ay mga menor de edad. 

Sa pag-aaral din ng WHO, ang rabies ay nakaaapekto sa mga hayop tulad ng aso, pusa, paniki, at iba pang wildlife. 

Naililipat ito sa pamamagitan ng laway mula sa kagat, kalmot, o direct contact mula sa open wound. 

Mga senyales at sintomas ng rabies

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), matapos ang exposure sa rabies, ang virus na ito ay nagtutungo muna sa utak bago lumabas ang mga sintomas. 

Ang oras sa pagitan ng exposure at paglabas ng mga sintomas ay ang tinatawag na “incubation period” na kadalasang inaabot ng ilang linggo o buwan. 

Kaya kapag kapag lumabas ang anumang sintomas nito sa isang tao, ito ay 100% na nakamamatay. 

Ilan sa mga unang sintomas ng rabies ay ang mga sumusunod: 

- Flu-like illness, kasama rito ang panghihina, lagnat, o sakit ng ulo

- Kawalan ng ginhawa, prickling o sensasyon ng tusok-tusok, o kaya’y pangangati sa lugar ng kagat ng hayop. 

Sa ikalawang linggo ng mga lumabas na sintomas, lumalabas pa ang mga sumusunod na “advanced symptoms:” 

- Pagkabalisa

- Pagkalito

- Pagka-aligaga

- Halusinasyon

- Lubos na pagka-uhaw

- Pagkakaroon ng maraming laway

- Agresibong pag-uugali tulad ng pangangagat 

Mga dapat gawin kapag nakagat ng hayop

Katulad ng abiso ng DOH, ayon sa Johns Hopkins Medicine, importante ang agarang paghuhugas ng sugat, at paglalagay ng antiseptic lotion o cream dito. 

Ipinayo rin na maiging obserbahan ang posibleng impeksyon sa sugat tulad ng pamumula, pagsakit, pamamaga, o paglabas ng anumang likido. 

Matapos ang mga aksyon na ito, agad na tumawag o magtungo sa pinakamalapit na healthcenter upang malapatan ng karampatang atensyong-medikal.