May 21, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Paano isinasakatuparan ang 'April Fools' Day' sa ibang bansa?

ALAMIN: Paano isinasakatuparan ang 'April Fools' Day' sa ibang bansa?
Photo courtesy: Unsplash


Isinasagawa at isinasakatuparan hindi lamang ng Pilipinas, kung hindi ng buong daigdig ang “April Fools’ Day” tuwing sasapit ang unang araw ng Abril.

Sa mga pagsubok na pinagdaraanan ng bawat isa, tila ba hinga ang araw na ito para magbigay ng saya at aliw sa kapwa—nang hindi nakakasakit o nakakapagpabigat ng damdamin.

Ano nga ba ang April Fools’ Day?

Ayon sa isang artikulo mula sa AFAR magazine, ito raw ay isang “holiday” na ipinagdiriwang na ng karamihan matagal na panahon na ang nakalilipas.

Sa katunayan, hindi raw tiyak kung paano, kailan, o saan nagmula ang paggunita sa nasabing selebrasyon.

Gayunpaman, may ilang haka-haka raw patungkol dito, katulad na lamang ang teoryang nagsimula ang “April Fools’ Day” matapos palitan ng mga kanluranin ang kalendaryo sa “Gregorian calendar” mula sa “Julian calendar” noong 1500.

Sa “Julian calendar” kasi, nagsisimula sa Abril 1 ang bagong taon; at ang mga taong walang ideya sa pagkakapalit nito ay pina-prank—na maituturing na orihinal na “April Fools.”

Ano-anong mga bansa ang nagdiriwang ng April Fools’ Day?

Pandaigdigan ang selebrasyon ng April Fools’ Day, kung kaya’t maraming mga bansa ang gumugunita rito.

Maliban pa riyan, iba-iba ang istilo kung paano ginagawa ang selebrasyon nito.

Ayon sa parehong source,  ilan lamang sa mga ito ay ang Finland, Iran, at Greece.

- Finland

Sa bansang Finland, kapag ikaw ay may na-prank o naloko, dapat na isigaw ang “Aprillia, syö silliä, juo kuravettä päälle,” na ang kahulugan ay “April trick, eat herring, drink muddy water afterwards!”

Kung itatanong mo ito sa isang Finnish, aaminin nilang tila walang saysay ito para sa kanila, sadyang parte lamang ito ng selebrasyon ng April Fools’ Day.

- Iran

Sa Iran naman, ang ika-13 araw ng Persian New Year ay laging natataon sa una o ikalawang araw ng Abril.

Sa bansang ito, ang April Fools’ Day ay tinatawag ding “Sidzah-Bedar, o “Nature Day.”

Ikinakasa ang araw na ito sa pagpi-picnic sa labas kasama ang mga kaibigan at nagbabatuhan ng luntiang dahon sa alinmang katubigan.

Sa paniniwala nila, ito raw ay nag-aalis ng kamalasan.

Para sa Iranians, ito ay maituturing na “prank day” sa sarili nilang kultura; kahit pa malayong-malayo ito sa tipikal na selebrasyon ng mga kanluranin.

- Greece

Sa bansang Greece, naniniwala sila na ang kamalasan ng iba ay ang iyong magiging suwerte, kung kaya’t “real incentive” para sa mga griyego ang pranking.

Kapag umulan naman sa raw ng April Fools’, ang mga griyego ay kumukuha ng timba sapagkat may paniniwalang may kayayahan itong makapagpagaling.

- United Kingdom

Sa United Kingdom, partikular na sa England, maaari ka lamang manloko o gumawa ng prank hanggang sa katanghalian ng April Fools’ Day.

Maituturing kang “fool” kapag nilabag mo ang paniniwalang ito na walang malinaw na pinanggalingan—at “noodle” naman ang tawag sa iyo kung ikaw ay naloko bago magtanghali.

Mababasa rin sa isang artikulo ng “Native Speakers” ang ilan pang mga bansang nagdiriwang ng April Fools’ Day.

- United States

Sa Amerika, malimit na gawing prank tuwing “April Fools’ Day” ang pag-launch ng pekeng produkto at “staged” na mga anunsyo.

Ayon sa artikulo, madalas na nakikilahok ang ilang malalaking kompanya sa nasabing selebrasyon tulad na lamang ng Coca-Cola at Google.

- Spain at mga bansa sa Latin America

Sa bansang Spain, kabilang na rin ang ilang estado sa Latin America, ang April Fools’ Day ay orihinal na itinuturing na “religious holiday.”

Tinatawag itong “Día de los Inocentes" o “Day of the Innocents.”

Sa selebrasyong ito, tampok ang biblikal na kuwento ni Haring Herod, kung saan siya ay pumapatay ng mga sanggol.Sa katagalan, ito ay naging araw para sa mga “jokes” at “tricks.”

Iba-iba man ang bawat bansa sa paraan kung paano gunitain at gawin ang April Fools’ Day, ang pinakamahalaga ay naaayon ito sa kasiyahan ng nakararami—at hindi nakakasakit ng damdamin ng iba.

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!