Sa panahon kung saan ang namamayagpag na ay ang short-form videos at “brain rot” na nakukuha sa labis na paggamit ng social media, marami ang nagtataka kung importante pa nga ba ang panitikan at ang pagbabasa nito.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara sa pagbubukas ng Philippine Book Festival (PBF) 2026 noong Marso 12, bagama’t patuloy ang pag-usad ng Pilipinas sa digital transformation, mahalagang pagtibayin sa mga mag-aaral na Pinoy ang pagkatuto mula sa mga aklat at kuwento nito.
Ito’y dahil ang mga aklat at kuwento ay nagsisilbing tulay sa kaalaman at pagkadiskubre ng mga mag-aaral sa kanilang identidad.
Kaya matatandaang inilunsad ng Quezon City local government unit (LGU) noong Enero ang “Manuel L. Quezon Filipino Language and Literature Scholarship Program” upang suportahan ang mga mag-aaral na nag-aaral ng wikang Filipino, panitikan, pagsasalin, at iba pang disiplinang kaugnay nito.
Dahil bukod sa pagsuporta, layon din ng programang ito mapagtibay ang kaalaman at kahusayan ng mga mag-aaral sa malikhaing produksyon at pananaliksik na nakasentro sa identidad ng bansa.
MAKI-BALITA: QC gov't magbibigay ng hanggang ₱160K scholarship sa mga estudyante ng Filipino, Panitikan
Kahalagahan ng panitikan sa pagiging Filipino
Batay sa pag-aaral na nakalathala sa Elton B. Stephens Company (EBSCO), ang panitikan ay binubuo ng kultura at pagbubuklod ng mga wika sa bansa.
Bago pa man mauso ang social media, mababalikan ang kasaysayan nito sa mga ninuno bago pa ang kolonisasyon ng Espanya, Amerikano, at Hapon, na isinalin sa pamamagitan ng mga awitin, tula, at bugtong.
Sa paglipas din ng ilang siglo, napintahan pa ng iba’t-ibang gamit ang panitikan sa bansa tulad ng pakikibaka para sa rebolusyon at paglaya, hindi maipagkakaila na mas naging makulay at makabuluhan ito sa kabila ng pagbabago-bagong panahon.
Kaya ayon pa sa ibang pag-aaral, ang panitikang Filipino ay isang importanteng aspeto ng pagiging makabayan na humuhubog sa pagkakakilanlan.
Ika pa nga ng isa sa mga pambansang bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose Rizal sa kaniyang tulang “A la Juventud Filipina” o “To the Filipino Youth” sa Ingles na salin, “ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”
Naniniwala ang bayani na sa pamamagitan ng edukasyon, may mapanghahawakang talino ang kabataan upang mapabuti ang sistema ng hustisya ng bansa.
Bukod pa rito, ang pagbabasa, sa kabuoan, ay itinuturing ng ilang pag-aaral na epektibo sa pagbababa na lebel ng stress, malakas na memorya, at proteksiyon laban sa paghina ng kapasidad makapag-isip nang maayos.
Isa pa ay nakatutulong rin ang pagbabasa ay nakatutulong rin upang mas maging bukas ang isip sa iba’t ibang identidad at pananaw ng mga tao.
Sa pamamagitan nito, napagtitibay ng isang mambabasa ang kaniyang pag-intindi sa mundo.
Kaya sa panahon kung saan tila kumukupas na sa uso ang pagbabasa at panitikan, mahalagang balikan ito at maging masikap sa pagkatuto, dahil sa pamamagitan nito, posible pa ring makadiskubre ng saya na hindi naibibigay ng mga usong pabago-bago.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Paano mapupuksa ng panitikan ang misogonismo, seksismo?