Nagmungkahi si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Atty. Rowena Guanzon ng kandidatong maaaring ipantapat kay Vice President Sara Duterte sa 2028 presidential elections.
Sa isang Facebook post ni Guanzon nitong Lunes, Marso 30, sinabi niyang si dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez umano ang pinakamalakas na pambato na puwedeng makatunggali ni VP Sara nang neck to neck.
“Sa tingin ko ang pinakamalakas na kandidato na pwedeng makalaban ng neck to neck ni VP Sara ay si Martin Romualdez,” anang dating Comelec Commissioner.
“Very popular,” pagpapatuloy niya, “charismatic, sobrang yaman, ang pogi, mukhang buhay, ang galing mag-speech, pinakamalinis na kandidato, hindi na involved sa kahit anong anomalya.”
Dagdag pa ni Guanzon, “Sa sobrang lakas niya, walang gustong lumaban sa kanya sa distrito sa Leyte. Kung meron man, jusko, di man lang umaabot sa botohan dahil nadidisqualify.”
Matatandaang minsan na ring umugong noong Hunyo 2024 ang bali-balitang tatakbo umanong presidente si Romualdez.
Maki-Balita: Romualdez sa pagtakbo bilang pangulo: 'Matagal pa 'yun'
Ilang buwan matapos ito, sinegundahan ni VP Sara ang alingasngas hinggil sa pagkandidato ng kongresista.
Maki-Balita: Speaker Romualdez, tatakbong presidente sa 2028 sey ni VP Sara
Samantala, nagdeklara na noong Pebrero si VP Sara ng kaniyang kandidatura sa pagkapangulo sa 2028.
Maki-Balita: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!