Isinapubliko ng Department of Transportation (DOTr) ang mga lugar na seserbisyuhan ng libreng sakay ngayong Lunes, Marso 30, 2026.
Kaugnay ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa gitna ng pagtaas ng presyo ng krudo at tigil-pasada ng ilang mga pampublikong transportasyon.
Sa ibinahaging anunsyo ng DOTr nitong Lunes, Marso 30, sinabi rin ng ahensya na epektibo ang libreng sakay hanggang mamayang 8:00 ng gabi.
Photo courtesy: Department of Transportation - Philippines/FB
Sa hiwalay na anunsyo nito ring Lunes, Marso 30, inilahad din ng DOTr na pansamantalang titigil ang operasyon ng LRT-1, LRT-2, at MRT-3 simula Huwebes, Abril 2 hanggang Linggo, Abril 5.
Kasabay ito ng maintenance activities na taunang isinasagawa ng ahensya.
“Magbabalik ang kanilang operasyon sa April 6, 2026,” anang DOTr.
“Ang Philippine National Railways (PNR) naman ay magsasagawa din ng tigil-operasyon mula April 3 hanggang April 4, at magbabalik-serbisyo sa April 5, 2026,” dagdag pa nila.
“Pinapayuhan ang lahat ng komyuter na planuhing maigi ang biyahe para sa ligtas at komportableng #SemanaSanta2026! Ingat po sa biyahe, mga ka-sakay!” pagtatapos ng DOTr.
Photo courtesy: Department of Transportation - Philippines/FB