Kinumpirma ng beteranong boksingerong si Floyd Mayweather Jr. na ang inaabangang muli nilang paghaharap ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao ay isang exhibition fight lamang at hindi opisyal na laban.
Ayon kay Mayweather, hindi pa rin pinal ang lugar kung saan ito gaganapin sa kabila ng naunang anunsyo na posibleng idaos ito sa Sphere sa Las Vegas sa darating na Setyembre 2026.
"As of right now, we don't know exactly where the fight is going to be at," ani Mayweather sa panayam sa kaniya sa media noong Sabado, Marso 28, 2026.
"The Sphere is one of the places that they talked about. So, we don't know if it's 100% going to be there,” dagdag pa niya.
Iginiit din niyang hindi ito maituturing na kompetitibong laban kundi isang palabas para sa mga manonood.
"And this is not actually a fight, it's an exhibition... It's an exhibition, so we're both winners. I mean, we just want to go out there and entertain the people and put on a good show,” aniya pa.
Una nang inanunsyo na ang laban ay ipapalabas sa buong mundo sa pamamagitan ng streaming platform na Netflix, bagaman wala pang opisyal na pahayag ang kumpanya hinggil sa detalye.
Matatandaang huling lumaban si Mayweather noong 2017 laban kay Conor McGregor at nananatiling walang talo sa kanyang rekord na 50-0.
Nagharap na rin sina Mayweather at Pacquiao noong 2015 kung saan nanaig ang Amerikanong boksingero laban sa walong division world champion mula Pilipinas.
Noong Oktubre 2025 unang umugong ang pagbabalik-bakbakan nina Pacman at Mayweather, matapos ang ilang taon ng hirit ng boxing fans para sa kanilang rematch.
KAUGNAY NA BALITA: Take 2! Bakbakang Pacquiao-Mayweather, muling raratsada sa 2026?