Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) na sinimulan na ngayong Linggo, Marso 29, ang “Oplan Biyaheng Ayos” ng ahensya, para sa pagsisimula ng Mahal na Araw at parating na “summer vacation.”
Sa ulat na ibinahagi ng LTO, nilinaw nilang hanggang sa Lunes, Abril 6, ang pagpapatupad ng programa, katuwang ang Philippine National Police (PNP), mga lokal na pamahalaan, at iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Base pa sa opisina, ilan lamang sa bahagi ng Oplan Biyaheng Ayos ay ang pagbabantay kontra colorum na sasakyan, pag-monitor sa kondisyon ng mga bibiyaheng transportasyon, at random drug testing para sa mga driver.
Ayon naman kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, mahalaga ang isinagawang Oplan Biyaheng Ayos upang matiyak ang kaligtasan ng lahat sa naturang panahon.
"Mahalaga ang inisyatibong ito, hindi lamang para pigilan ang mga aksidente sa daan, kundi lalo na para tulungan ang mga motoristang uuwi sa kanilang mga lalawigan para sa bakasyon, pati na rin ang mga dadalaw sa iba't ibang simbahan sa buong bansa para ipagdiwang ang Semana Santa. Sa pamamagitan ng 24/7 na operasyon ng mga command center, tinitiyak nating handa tayong tumulong sa lahat ng oras para masiguro na ligtas at maayos ang kanilang paglalakbay,” saad ni Lacanilao.
Photo courtesy: LTO